GILAS WOMEN PINULBOS ANG THAILAND

DINISPATSA ng Philippine women’s squad ang Thailand, 97-81, para sa ikalawang sunod na panalo sa women’s basketball ng 31st Southeast Asian Games kahapon sa Thanh Tri Gymnasium sa Hanoi, Vietnam.

Nanguna si Afril Bernardino na may 20 points at 16 rebounds para sa Gilas women’s squad na kinuha ang liderato sa round-robin tournament kung saan ang top placer ang mag-uuwi ng gold.

Apat na sunod na tres mula kina Fil-Am rookie Stefanie Berberabe, Chack Cabinbin, Janine Pontejos, at Gabi Bade, na isa pang US-based player na nasa kanyang SEA Games debut, ang nagsindi sa big charge kung saan ang 27-25 lead ay lumobo sa 39-27 sa second period.

“I’m just so happy again. They really worked hard and competed at the start. Sabi ko nga sa inyo, let’s just continue what we are doing. Wala naman tayong dapat baguhin. Sana dere-derecho lang,” wika ni coach Pat Aquino.

Tumipa si Berberabe, produkto ng Westmont College sa National Association of Intercollegiate Athletics (NAIA), ng 10 points, 5 rebounds, 3 assists at 2 steals habang nagdagdag si Katrina Guytingco ng 10 points. Umiskor sina Cabinbin, Clare Castro at Bade ng tig-9 points.

Sisikapin ng mga Pinay na manatiling walang talo sa pagharap sa Vietnam ngayong alas-5 ng hapon (alas-6 ng gabi sa Pilipinas).

“Lagi nating sinasabi na take one game at a time. We are going to be ready with Vietnam tomorrow. We will prepare harder. I know it’s going to be difficult against the host country. But we will do our very best,” ani Aquino.

Lumapit ang Thais, dinomina ang women’s basketball sa loob ng ilang dekada bago sila hinubaran ng korona ng Gilas sa 2019 SEA Games, sa dalawang puntos sa  second quarter ngunit ito na lamang ang pinakamaganda nilang nagawa. CLYDE MARIANO

Iskor:

Philippines (97) – Bernardino 20, Berberabe 10, Guytingco 10, Bade 9, Cabinbin 9, Castro 9, Castillo 7, Pontejos 7, Tongco 7, Fajardo 6, Surada 3, Clarin 0.

Thailand (81) – Thunchanok 14, Thidaporn 13, Sriharaksa 13, Warunee 12, Juthamas 11, Rattiyakorn 8, Amphawa 5, Rujiwan 2, Pimchosita 2, Penphan 1, Atchara 0, Kanokwan 0.

QS: 22-16; 57-40; 80-59; 97-81.