GILAS WOMEN UMAKYAT SA NO. 37 SA FIBA RANKINGS

GILAS PILIPINAS WOMEN (PHOTO COURTESY OF FIBA BASKETBALL)

 

UMANGAT ang Gilas Pilipinas Women ng limang puwesto sa No. 37 sa latest FIBA World Rankings na inilabas ng federation noong Miyerkoles.

Ang pag-angat ay kasunod ng malakas na performance ng national team sa FIBA Women’s Asia Cup, kung saan nanalo sila sa isang group stage game sa unang pagkakataon.

Ang panalo kontra Chinese Taipei ay tumiyak na mananatili ang Gilas Women sa Division A.

Sa No. 37 sa buong mundo, ang Gilas Women ay ranked seventh sa Asia, sa likod ng world No. 2 China, world No. 3 Australia, world No. 9 Japan, world No. 13 Korea, world No. 23 New Zealand, at world No. 37 Chinese Taipei.

Nanatili ang United States sa ibabaw ng standings, na may 834.6 points, malaki ang kalamangan sa China na may 687.1 points.

Ayon sa FIBA, ilang bansa, kabilang ang Belgium, Brazil, Nigeria, at Mali ang umangat sa huling edisyon ng rankings.

Makaraang magwagi sa FIBA Women’s EuroBasket, ang Belgium ay umakyat sa sixth place, habang ang Brazil ay umangat ng pitong puwesto sa No. 8 matapos ang kanilang tagumpay sa FIBA Women’s AmeriCup.

Ang Nigeria ay tumaas sa No. 11, umangat ng pitong puwesto makaraang pagharian nila ang FIBA Women’s AfroBasket sa ika-4 na sunod na pagkakataon.

Sa Asia, ang Thailand ay umakyat ng 39 puwesto sa No. 62, habang ang Iran ay umangat ng 26 puwesto sa No. 52 matapos makapasok sa title game ng FIBA Women’s Asia Cup Division B tournament.