GIN KINGS LALAPIT SA KORONA

GIN KINGS

Laro ngayon:

(Araneta Coliseum)

7 p.m. – Ginebra vs Meralco

Game 4, Ginebra abante sa 2-1

SISIKAPIN ng Barangay Ginebra na tibagin ang isa sa dalawang malalaking tipak na bato na nakaharang sa kanilang daraanan tungo sa kampeonato sa muling pagharap sa Meralco sa Game 4 ng best-of-seven PBA Governors’ Cup Finals ngayon sa Araneta Coliseum. Nakatakda ang sagupaan sa alas-7 ng gabi kung saan ­kapwa determinado ang dalawang koponan na manalo – ang Gin Kings ay upang lumapit sa korona at ang Bolts ay para maitabla ang serye sa 2-2.

Nakopo ng Ginebra ang 2-1 bentahe sa serye makaraang pataubin ang Meralco sa Game 3, 92-84, noong Linggo sa Araneta Coliseum.

Tiyak na sasamantalahin ni Ginebra coach Tim Cone ang momentum upang pigilan ang tropa ni coach Norman Black na makabalik sa serye.

“We got the momentum and we will exploit the advantage to the hilt and move to within a game clinching the crown,” wika ni Cone na puntirya ang ika-22 titulo magmula noong 1991.

“I instructed my players to play their best out there like they did in Game 1 and 3. I reminded them not give the enemy elbow room to mount offensive, ” sabi ng 62-anyos na American veteran mentor.

Muling pangungunahan ni import Justine Brownlee ang opensiba ng  Ginebra, katuwang sina L.A. Tenorio, Stanley Pringle, Scottie Thompson at Aljon Mariano habang babantayan nina Japeth Aguilar at Greg Slaughter ang low post.

“Justine has to play another one hell of game both offense and defense and limit the output of Durham,” dagdag ni Cone.

Bagama’t naghahabol sa serye ay buo pa rin ang kumpiyansa ni Black sa kanilang kampanya.

“It’s not over yet. The series is far from over. We will bounce back and get back at them,” ani Black na target ang ika-12 korona.

“Allen has to shape up and put premium on his game and the rest of the players deliver the needed points,” sambit ni Black.

Tinalo ni Durham si Brownlee sa Game 2 subalit binawian siya ni Brownlee sa Game 3. CLYDE MARIANO

Comments are closed.