GINAGAWANG FLYOVER BUMAGSAK

CAVITE – NAGDULOT ng matinding pagsisikip sa daloy ng trapiko ang pagbagsak ng ginagawang flyover sa panulukan ng Aguinaldo Highway at Daang Hari sa bayan ng Imus Linggo ng mada­ling araw.

Sinabi ni Imus Mayor Emmanuel Maliksi, batay sa contractor ng proyekto, ang gitnang bahagi ng flyover o ang prefabricated concrete span ang bumagsak habang ikinakabit sa mga pundasyon o poste.

Agad namang rumes­ponde ang mga tauhan ng Imus City Hall at Cavite PNP, City Disaster Risk Reduction and Management Office, Traffic Man-agement Office, at  contractor ng flyover.

Tiniyak ni Maliksi na magtutulungan ang lahat ng mga concerned agencies kaugnay ng pagbagsak ng bahagi ng ginagawang flyover sa panulukan ng Aguinaldo Highway at Daang Hari sa nasabing lugar.

Ayon kay Maliksi, nagsanib-puwersa City Engineering Office at ang mga tauhan ng construction company para sa agarang clearing operation dahil kinailangan pang i-reroute ang provincial buses na dumaraan sa Aguinaldo Higway at Daang Hari papunta at palabas ng Metro Manila.

Dahil dito ay agad na nagpalabas ng traffic advisory ang alkalde na hindi madaraanan ang lahat na bahagi ng mga nabanggit na kalsada.

Sa kabutihang palad ay wala naman umanong naitalang napahamak sa insidente. VERLIN RUIZ