MINDANAO–PORMAL nang ipinagkaloob ni Philippine Army commanding general Lt. Macairog Alberto ang P9,226,600 pambili ng lupa at pagpapatayo ng bahay para sa mga biktima ng lindol sa rehiyon.
Ang nasabing pondo para sa pabahay ng mga earthquake victim ay kinuha mula sa two meal allowances ng nasa 97,000 sundalo.
Sa isang simpleng seremonya inabot ni Alberto ang nasabing donasyon kina 10th Infantry Division Commander Maj. Gen. Jose Faustino, Jr. at Disaster Response Task Force Commander Brig. Gen. Rodolfo Lavadia Jr.
Layunin ng Hukbong Katihan na mabigyan ng permanenteng tirahan ang internally displaced individuals na kasalukuyang naninirahan sa mga eskuwelahan.
Ang nasabing halaga ay ilalaan para sa pagbili ng may 4.9 hectares na lupain at materyales para pagtatayo ng mga Kobe-type houses na tinatayang nagkakahalaga ng P50,000 ang bawat isa at kayang tirahan ng pitong tao.
Nabatid na 60 porsiyento ng mga kabahayan sa Makilala, North Cotabato ang nawasak ng lindol at walo sa 38 barangays ng nasabing bayan ay idineklarang hindi na puwedeng pagtayuan batay sa assessment ng Philippine Institute for Volcanology and Seismology (PhilVocS) at Mines Geosciences Bureau (MGB) na hindi na puwedeng panirahan. VERLIN RUIZ