GINTO KAY KNOTT, UBAS SA TEST EVENT

Kristina Knott

NAGPAMALAS  ng kahandaan sina sprinter Kristina Knott, long jumper Janry Ubas at ang bata na si Hocket Delos Santos para sa inaasam na gintong medalya ng Filipinas  sa iho-host  nito na ika-30 edisyon ng Southeast Asian Games matapos na magtala ng impresibong panalo sa isinasagawang Test Event sa New Clark City.

Nagwagi ng gintong medalya si Knott sa 200m women, si Ubas sa long jump at si Delos Santos sa pole vault upang pangunahan ang pambansang koponan sa nagsisilbing panghuling torneo para madetermina ang mga bubuo sa 62 atleta na isasabak sa isa sa dalawang centerpiece sports na athletics.

Nagtala si Knott ng 24.42 segundo sa paborito nitong 200m upang talunin ang kababayan na si Kayla Richardson na nagposte ng 26.18 segundo habang ikatlo naman  si Mahisin Maziah ng Brunei (27.02s).

Aminado si Knott na mabagal ang kanyang oras sa personal best na 23.23 segundo bagaman umaasa ito na mas mapabibilis  pa ang tiyempo sa kanyang pagkukumpleto sa pagsasanay, isang buwan pa ang natitira bago ang aktuwal na kumpetisyon na gagawin sa mismong bagong gawang New Clark City.

“I consider it a good time since this is just a test event. I have something to work on in the last few days before the SEA Games so I can contribute to the team come the competition time,” sabi ni Knott.

Nagawa namang itala ni Ubas ang pinakamalayong 7.52 metro sa men’s long jump upang sementuhan ang kanyang silya sa pambansang koponan. Tinalo ni Ubas ang mga kakampi na sina Aries Toledo na nagkasya sa pilak (7.49m) at Algin Gomez na iniuwi ang tanso (6.83m).

Si Ubas, na may 7.88 metrong personal best, ang isa sa inaasahan ng Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA) na makapagbibigay ng gintong medalya sa koponan ng athletics.

Nagpakita naman ng kakayahan  ang 2017 SEA Games pole vault silver medalist na si Patsapong Amsamang mula sa Thailand para hamunin sa gintong medalya ang unang Filipinong nakapagkuwalpika sa 2020 Tokyo Olympics na si Ernest John Obiena.

Nagtala si Patsapong ng 5.50 metro upang agawin ang ginto sa kababayan na si 2017 SEA Games gold medalist na si Porranot Purahong na nagkasya lamang sa 5.20 metro. Ang tansong medalya ay iniuwi naman ni Hokket Delos Santos sa pagtala  ng personal best na 4.80 metro para siguruhin ang kanyang silya sa pambanang koponan. Dati ay 4.20 metro ang record ni Delos Santos.

‘Wagi rin sa women’s hammer throw ang Thai na si Panwat Gimasrang sa itinalang 52.59m metro habang nakuha ni Aira Teodosio  (46.04) ang pilak at tanso si Insaeng Subenrat ng Thailand (30.57m). Pumangalawa naman si Francis Medina sa 400m hurdles men sa 51.66 oras sa nagwagi na si Edwin Halomoan ng Indonesia (51.35s). Ikatlo si Wei Bin Owyeong ng Singapore.

Nagkasya naman ang PH Men at Women’s 4x400m relay sa tansong medalya.

Comments are closed.