DINOMINA ni Filipino Olympian at pole vaulter EJ Obiena ang True Athletes Classics na idinaos sa Leverkussen, Germany nitong Linggo.
Na-clear ni Obiena ang 5.81-meter mark upang tumapos sa first at gapiin sina Rutgar Kopelaar ng Netherlands at Kurtis Marschall ng Australia na na-clear din ang naturang marka.
Kinailangan ni Obiena ng dalawang attempts para ma-clear ang 5.81m, at nalusutan ang 5.63m sa isang attempt lamang.
Sa isang Facebook post ay sinabi ni Obiena na bagama’t masaya siya na maiuwi ang gold ay nanghihinayang siya’t hindi niya na-clear ang 5.95m mark.
“We have boiled it down to some technical adaptations, which at these heights makes the difference between a miss or a make. Like anything in life, this is all about continual improvement,” aniya.
Ito na ang ikatlong sunod na podium ni Obiena sa loob lamang ng isang linggo.
Noong Miyerkoles ay nagwagi rin si Obiena ng gold sa Jockgrim, Germany at noong Biyernes ay bronze sa Lausanne, Switzerland.