MAGIGING panauhin sa webisode ng ‘Rise Up, Shape Up’ ng Philippine Sports Commission (PSC) ngayong Sabado, Peb. 12, si Gintong Gawad 2021 awardee Dr.Drolly Claravall.
Si Dr. Claravall ay tumanggap ng Gintong Gawad award “Makabago at Natatanging Produktong Pang-Isport” para sa kanyang imbensiyon ng isang “ergonomically designed handheld massage tool” na dinisenyo para gayahin ang mga kamay at daliri ng isang massage therapist kapag nagmamasahe.
Nabuo ni Dr. Claravall ang ideya nang dumalo siya sa isang seminar sa blading and taping sports injuries sa University of the Philippines noong July 2017.
Ang blading technique ay gumagamit ng handheld massage tool sa halip na mga kamay at daliri sa paggamot sa muscle at body pains.
Gayunman ay nabahala si Dr. Claravall sa mga pasa at sakit na naranasan ng mga kliyente matapos ang therapy gamit ang blading technique kaya nagdisenyo siya ng kanyang tool na magiging akma sa lahat ng dako ng muscle fibers. Partikular din niyang dinisenyo ang Amazing Touch tool para sa bawat isa anuman ang edad, atleta man o hindi.
“We, at the PSC do not only look after the training and development of athletes and Philippine Sports. We also ensure the holistic well-being of our athletes, coaches, trainers, and sports enthusiasts, and that means also being on the lookout for products, tools, and services that will keep them at their optimum condition,” sabi ni PSC Women in Sports oversight Commissioner Celia H. Kiram.
Si Dr. Claravall ay isang multi-talented at inspiring sportswoman. Siya ang presidente ng Faculty Federation and Associate Professor sa Isabela State University-City of Ilagan, regional director ng Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA) magmula noong 2009 at sports therapist ng Philippine National Team Elite and Master Athletes.
Bilang isang atleta, si Dr. Claravall ay lumahok sa iba’t ibang local at international competitions, ang pinakahuli ay nagkampeon siya sa 2020 Asia Masters para sa hammer throw sa Kuching, Malaysia, at nagwagi ng bronze medal sa 2019 Asian Masters Championships. CLYDE MARIANO