Mga laro sa Miyerkoles:
Araneta Coliseum
3 p.m. – NorthPort vs Blackwater
6 p.m. – Meralco vs Magnolia
MAGSASAGUPA ang frontrunners Magnolia at Meralco sa inaasahang hitik sa aksiyong bakbakan sa PBA Governors’ Cup na magbabalik sa Araneta Coliseum ngayong Miyerkoles.
Target ng Hotshots ang isang outright spot sa ‘Top Four’, at isinusulong ng Bolts ang kanilang sariling kampanya para sa kaparehong target na may kaakibat na twice-to-beat incentive sa quarterfinals.
Itataya ng Hotshots ang kanilang nangungunang 7-1 win-loss mark habang sisikapin ng Bolts na makabawi mula sa pagkatalo sa huli nilang laro.
Maghaharap ang Magnolia at Meralco sa alas-6 ng gabi sa rematch ng kanilang best-of-seven semifinal showdown sa nakalipas na Philippine Cup won na napagwagian ng Hotshots sa 4-2.
Ang Hotshots ay nag-regroup magmula nang matalo sa all-Filipino finals sa TNT Tropang Giga, at sila ang pinakamainit na koponan sa liga.
Isang panalo na lang sa kanilang huling tatlong laro ay sigurado na si Mike Harris at ang kanyang teammates sa pinakaaasam na bonus sa susunod na round.
Lumapit ang Hotshots sa Top Four finish makaraan ang 104-87 panalo kontra San Miguel Beermen sa likod ng bagong import na si Shabazz Muhammad sa Linggo.
Umiskor sina Harris at Paul Lee ng tig-26 kung saan pinangunahan ng una ang maagang breakaway at ng huli ang mop-up job para makabawi mula sa 103-101 pagkatalo sa NorthPort, dalawang gabi na ang nakalilipas.
Gayunman ay inaasahang mahaharap ang Magnolia sa mabigat na laban dahil naghahabol din ang Meralco sa isang Top Four berth na may 6-2 kartada.
Sa unang laro sa alas-3 ng hapon ay target ng NorthPort ang krusyal na panalo sa pagsagupa sa wala pang panalong Blackwater para manatili sa quarterfinals race. CLYDE MARIANO