‘GIYERA’ NA SA PBA (Kings, Texters mag-sasagupa)

pba

Laro ngayon:

(Philippine Arena)

6:30 p.m. – Ginebra vs TNT

MATAPOS ang halos isang buwang pahinga ay magbabalik ang aksiyon sa PBA para sa 44th season nito sa pag-arangkada ng Philippine Cup, tampok ang bakbakan ng Barangay Ginebra at Talk ‘N Text, ngayon sa Philippine Arena sa Marilao, Bulacan.

Maghaharap ang Kings at Tropang Texters sa alas-6:30 ng gabi matapos ang makulay na opening ceremony na dadaluhan ng top officials ng liga, sa pangunguna nina PBA Chairman at POC president Ricky Vargas, Commissioner Willie Marcial.

Ipaparada ng 12 koponan ang kani-kanilang muse sa pangunguna nina 2015 Miss Universe Pia Wurtzbach (Barangay Ginebra), megastar Sharon Cuneta (Magnolia) at volleyball superstar Alyssa Valdez (NLEX).

Magiging muse ng Philippine Cup defending champion San Miguel Beer si 2016 Miss International Kylie Verzosa, habang si primetime actress Yam Concepcion ang ipaparada ng Phoenix at ang Talk N’ Text ay si  Sam Pinto.

Ang iba pang muses ay sina swimmer Jasmine Alkhaldi at volleyball standout Myla Pablo (Blackwater), Aya Fernandez (NorthPort), Klea Pineda (Alaska) Kelley Day (Columbian) Anie Uson (Rain or Shine) at Eva Patalinjug (Meralco).

Sisimulan ng SMB ang kanilang title retention campaign sa Enero 18 kontra  Columbian Dyip sa alas-4:30 ng hapon bago ang sagupaan ng Rain or Shine at NLEX sa alas-7 ng gabi sa Cuneta Astrodome,

Kinuha ng  Columbian Dyip si top rookie CJ Perez at apat na bagito, kasama si JRU hotshot Bernabe Teodoro, sa hangaring umangat sa standings at alisin ang tatak na ‘perennial tail-ender’ kung saan tumapos and Car Makers sa 1-10 noong nakaraang conference.

Si Perez ay naging back-to-back MVP sa NCAA at dalawang beses na dinala ang Lyceum of the Philippines University Pirates sa runner-up finish.

Maglalaro ang 12  teams sa single round robin. Ang top eight teams ay aabante sa quarterfinals.

Ang top four teams ay papasok sa semis at maghaharap sa best-of-seven playoff at ang top two teams ay magtutunggali sa best-of-seven title series. CLYDE MARIANO

Comments are closed.