‘GLOBAL HOSPITAL’ SA BICOL PINONDOHAN NG P3-B

BICOL – NAKAKA­LULANG pondo ang inilaan ng pamahalaan para sa konstruksyon ng mga bagong gusali sa loob ng Bicol Regional Hospital and Medical Center (BRHMC) para gawin na itong isang ‘Global Hospital’ sa rehiyon na kayang tapatan ang serbisyong ibinibigay ng St. Lukes Medical Center, Philippine Heart Center at iba pang naglalakihang pagamutan sa Metro Manila.

Noong nakaraang mga buwan ay personal na binisita ng Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos at House Speaker Martin Romualdez ang ginagawang konstruksyon ng 20-palapag na legacy hospital kung saan dito ilalagay ang heart center, kidney, lungs, cancer center at iba pa.

Kamakailan ay nagsagawa ng ocular inspection si Ako Bicol Rep. Elizaldy Co, Chairman ng Committe on Appropriations sa Kamara upang malaman ang estado ng ginagawang proyekto.

Ayon kay Dr. Eric Raymond Raborar, BRHMC Director, maliban sa legacy hospital building ay kasabay nito ang kons­truksyon ng 15-palapag na Womens Hospital Building kasama na ang mga batang may karamdaman; malaking gusali para sa car parking at half-way house building.

Mula sa 800-bed capacity ay layong gawin na itong 2,000-bed capacity para mabigyan na rin ng libreng serbisyo hindi lang ang mga bicolano kundi ang mga pasyente mula sa ibang rehiyon.

RUBEN FUENTES