GO FOR GOLD VS TEAM DASMA SA FINALS

BUMAWI ang Go for Gold-Air Force mula sa pagkatalo sa isang set laban sa Global Remit upang maitakas ang 26-28, 25-22, 25-18, 25-19 panalo at umabante sa finals ng 2021 PNVF Champions League Biyernes sa Lipa City, Batangas.

Nanguna si national team captain John Vic De Guzman para sa Aguilas na may 16 points. Ang dating NCAA standout ay nakakuha ng solid support mula kay Lloyd Josafat, na kumamada ng 15 points.

“My mindset is to be ready. Every game, my coach will tell me to be prepared,” sabi ni Josafat, na pumasok sa laro sa second set. “I need to be focused in blockings, in attacks.”

Nagpahayag ng kasiyahan si Aguilas mentor Dante Alinsunurin sa paraan ng pagresponde ni Josafat sa one-hour, 52-minute match.

“He (Josafat) gave us energy inside the court,” ani Alinsunurin, na ang koponan ay nanatiling walang talo sa tatlong laro sa torneo.

Nag-ambag sina Kim Malabunga at Reuben Inaudito ng tig-10 points sa panalo.

Makaraang matalo sa opening set, nagtulong-tulong ang Go for Gold sa second set kung saan isang hammer mula kay Francis Saura ang nagtabla sa laro sa tig-isang set, 25-22.

Pinangunahan ni De Guzman, kasama ang isa pang national team mainstay na si Mark Alfafara, ang third set upang tulungan ang Aguilas na lumapit sa panalo.

Samantala, kinailangan ng Team Dasma Monarchs ng limang sets upang malusutan ang matikas na pakikihamok ng VNS Manileño Spikers, 25-20, 30-28, 20-25, 21-25, 18-16, at maisaayos ang final duel sa Go for Gold.

Tumapos si Mark Calado na may impresibong 28 points habang nagdagdag si Madzlan Gampong ng 17 points.

Ang  gold medal round ay nakatakda ngayong alas-4 ng hapon habang ang bronze medal match sa pagitan ng Manileño Spikers at  Global Remit ay idaraos sa ala-1:30 ng hapon.