GO LOKAL! TAMPOK SA TAUNANG PAGTITIPON NG ADB

MASIGLANG  nakilahok ang Department of Trade and Industry (DTI) sa 2018 Taunang Pagpupulong ng Lupon ng mga Gobernador ng Asian Development Bank (ADB) sa Lungsod ng Mandaluyong. Ito ay sa pamamagitan ng pagtatayo ng isang eksibit ng kanilang mga serbisyo at programa.

Kabilang sa mga programang itinampok ay ang Go Lokal!, isang proyekto ng DTI na naglalayong tulungan ang mga micro, small, and medium enterprises (MSMEs) ng bansa na makapasok at maging regular na supplier sa mainstream market. Ang mga produktong kasama rito  ay sumailalim sa masusing product development sa tulong ng Design Center of the Philippines.

Kabilang sa Go Lokal!  Pop Up exhibit  ay mga sari-saring pagkain tulad ng tsokolate sa pinatuyonggo lokal mangga, kape, kakaw, tsokolate, alak, pili nuts, sardinas at ho­ney. Mayroon ding mga produkto mula sa maliliit na negosyante ng Marawi at Boracay, Aklan, gaya ng fashion at wearables, home at houseware decor, souvenir, at mga laruan, na gawa mula sa mga katutubong materyales tulad ng piña, abaca, raffia, capiz at carabao horn.

Naging matagumpay ang Go Lokal!  Pop up exhibit sa naturang okasyon at kumita ng Php144,610.00 sa loob lamang ng apat na araw. Ito ay nagpapatunay na ang mga lokal na produkto ay may potensiyal  o handa na upang tangkilikin ng mga dayuhan.

Ang nasabing taunang pagpupulong ng ADB ay isa sa mga pangunahing pagtitipon upang talaka­yin ang mga isyung pang-ekonomiya, panlipunan, at pag-unlad sa Asya at Pasipiko. Mahigit tatlong libong katao (3,000) mula sa iba’t ibang bansa ang lumahok sa pagtitipong ito na kinabibilangan ng mga matataas na opisyal ka­tulad ng finance and economic planning ministers, senior government officials, mga kinatawan ng multilateral bank community, investment bankers, mga kinatawan ng non-government organization at mga kasapi ng media.

Sa kasalukuyan, matatagpuan ang mga produkto ng Go Lokal! sa mga pangunahing retailers ng bansa  katulad ng SM, Ayala Malls, Robinson, Rustan’s Supercenters, CityMalls, Duty Free Philippines at Enchanted Kingdom.

oOo

Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin ang golokal.dti.gov.ph o ang GoLokal! Concept Store @ DTI na matatagpuan sa Groundfloor, Trade and Industry Building, 361 Sen. Gil Puyat Avenue, Makati City sa numero ng telepono (632) 7513229. Ha­napin lamang si Ms. Bea Hernandez o Ms. Mabel Cortez.  GILDA DELA CRUZ