NAISUMITE na ng Department of Agriculture (DA) sa Malakanyang ang resolusyon para dagdagan ang aangkating karneng baboy ngayong taon.
Sa joint hearing ng Committees on Agriculture and Food at Trade and Industry, kinumpirma ni Agriculture Secretary William Dar na isinumite na nila sa Palasyo ang resolusyon para itaas sa 404,210 metric tons ang minimum access volume (MAV) ng aangkating karneng baboy mula sa kasalukuyang 54,000 metric tons.
Salig sa Republic Act 8178, may kapangyarihan ang Pangulo na magpanukala sa Kongreso ng revisions, modifications o adjustment sa MAV tuwing may kakulangan o abnormal na pagtaas sa presyo ng mga agricultural product.
Naniniwala ang kalihim na ito ang tugon sa kakulangan ng suplay at mataas na presyo ng karneng baboy sa pamilihan. Ayon kay Dar, pirma na lamang ni Pangulong Rodrigo Duterte ang hinihintay para maipatupad ito.
Samantala, sinabi naman ni Trade and Industry Usec. Ruth Castelo sa joint hearing na nakikiusap na sila sa mga supermarket na ibaba ang presyo ng karneng baboy at iba pang bilihin. Tiniyak din ni Castelo na gumagawa ang DTI ng mga hakbang para sa pagkakaroon ng regulasyon para sa mga imported na karne. CONDE BATAC
Comments are closed.