(Gobernador inambus: 4 patay) PERMIT TO CARRY FIREARMS SINUSPINDE SA LANAO DEL SUR, MAGUINDANAO

LANAO DEL SUR- PANSAMANTALANG sinuspinde ang permit to carry firearms sa lalawigan ng Lanao del Sur at Maguindanao makaraan ang pananambang kay Lanao del Sur Gov. Mamintal Alonto-Adiong Jr. nitong Pebrero 17 ng hapon.

Ito ang inanunsyo ni Philippine National Police Chief, Gen. Rodolfo Azurin Jr. nang makapanayam ng media sa Philippine Military Academy (PMA) Homecoming sa Baguio City kahapon.

Paliwanag ni Azurin, ang suspensyon sa PTC FAS ay upang hindi na masundan ang nangyaring insidente o mapigilan ang tangkang paghihiganti mula sa panig ng apat na nasawi.

Kabilang naman sa lugar na sinuspinde ang PTC FAS ay 63 barangay sa Pikit, North Cotabato.
EUNICE CELARIO

Kaugnay nito, inatasan ni Department of the Interior and Local Government Secretary Atty Benjamin Abalos Jr. ang Philippine National Police na makipag-ugnayan sa Armed Forces of the Philippines para maresolba agad ang naganap na pananambang kay kay Lanao del Sur Governor Mamintal “Bombit” Alonto-Adiong, Jr., at kanyang mga kasamahan sa bayan ng Maguing, Lanao del Sur.

Sa kanyang direktiba inatasan ni Abalos ang PNP na agad magsagawa ng manhunt operations upang mabilis na mahuli ang armadong grupo na nanambang kina Gov. Alonto-Adiong, Jr., na ikinamatay ng apat na police escort.

Ani Abalos, bagaman sugatan ay nakaligtas si Bombit subalit napakalungkot na nasawi ang ilan sa kanyang mga kasamahan sa insidente na ikinasugat din ni Ali Macapado Tabao, isa sa mga staff ng gobernador.

Agad na nadala ang mga sugatan sa Bukidnon Provincial Hospital sa Kalilangan town. VERLIN RUIZ