PINAALALAHANAN ni ACT-CIS Cong. Eric Yap ang lahat ng sangay ng pamahalaan na dapat matuwa at tanggapin ang alok na tulong ng mga pribadong sektor at ilang mga indibidwal para sa mga ordinaryong mamamayan na naghihikahos o naghahanap ng hustiya.
Ito ang reaksyon ni Yap, chairman ng House Committee on Appropriations sa pahayag ng Department of Justice – Alternative Dispute Resolution na huwag lumapit o humingi ng tulong sa mga television programs tulad ng sa Tulfo brothers para ayusin ang anumang gusot sa pamilya, trabaho o sa komunidad.
“Mas maganda kung mas marami ang nahihingan ng tulong ng mga tao dahil hindi kakayanin ng pamahalaan ang lahat ng problema ng mga tao,” ani Yap.
“Ito ang dahilan kung bakit natetengga ang mga sumbong o reklamo na inilalapit ni Juan o Maria sa mga ahensya ng gobyerno na sa sobrang dami hindi na makayayan ng ahensiya,” dagdag pa nito.
Paliwanag pa ni Yap, katuwang naman ng media tulad nina Tulfo ang mga ahensiya ng gobyerno sa pagtulong sa mga tao tulad ng DSWD, DOLE, DOJ at PNP kaya hindi kailangang lumapit sa media o kay Tulfo.
Nauna rito, sa isang panayam kay DOJ-ADR Executive Dir. Irene Alogoc noong nakaraang linggo, sinabi nito na huwag lumapit sa mga TV programs tulad ng sa Tulfo brothers kung may mga gusot o problemang dapat ayusin dahil nawawala daw ang “confidentiality” ng kaso.
Dagdag pa ni Yap, wala monopolya sa pagtulong at lalong walang paligsahan sa kung sino ang pinakamarami o pinakamabilis o pinaka-epektibo na natulungan. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM
Comments are closed.