NAGHAHANAP ng trabaho ang pamahalaan na maaaring maialok sa mga empleyado ng Light Rail Manila Corporation (LRMC) na kabilang sa mga mare-retrench dahil sa epekto ng COVID-19 pandemic.
Ito ang inihayag ni Presidential spokesperson Harry Roque matapos ihayag ng kompanya ang pagbabawas ng daan-daang emeyado simula sa Setyembre 15 dahil na rin sa pagbaba ng bilang ng mga commuter.
Ayon kay Light Rail Manila Corp. (LRMC) spokesman Jackie Gorospe, ang bilang ng mga matatanggal na empleyado ay kumakatawan sa 20 porsiyento ng total workforce ng kompanya.
May 100 empleyado ng LRT-1 ang mawawalan ng trabaho sa pagbaba ng bilang ng mga mananakay ng train line sa gitna ng lockdown sa Metro Manila.
Samantala, sinabi ni Roque na may mga bukas din na posisyon sa trabaho sa Malakanyang para sa mga media personnel na nawalan ng hanapbuhay.
Partikular na binanggit nito ang mga natanggal sa trabaho dahil sa pagsasara ng giant network na ABS-CBN matapos na hindi ma-renew ang prangkisa nito.
Ayon kay Roque, naghahanap ng mga writer, cameramen, at iba pang production crew ang kanyang tanggapan, ang Office of the Presidential Spokesperson.
Comments are closed.