GOBYERNO, PATULOY ANG PAMIMIGAY NG KABUHAYAN SA MAHIHIRAP

BUKOD sa mga ayuda patuloy din ang pagbibigay ng gobyerno ng kabuhayan sa mga mahihirap na Pilipino.

Ayon kay ACT-CIS at House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo, ito ang isa sa mga programa ng pamahalaan bilang tugon sa kahirapan.

Mahigit sa 600 na indibidwal na mula sa iba’t-ibang bahagi ng Cebu province at higit 300 naman na mga Boholano ang nabigyan ng puhunan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) noong Huwebes at Biyernes.

Si Tulfo at ACT-CIS Cong. Edvic Yap ay inanyayahan ng DSWD Region 7 bilang mga panauhin sa nasabing pamimigay ng pangkabuhayan ng ahensya.

Ayon kay Cong. Tulfo, “ito po ang isa sa mga pangako ni Pangulong Marcos na walang maiiwan dahil sabay-sabay tayong babangong muli sa pamamagitan ng pagbibigay nga ng pagkakakitaan ng mga taong ito”.

Ang pagbibigay ng DSWD ng pangkabuhayan ay nakapaloob sa Sustainable Livelihood Program (SLP) ng ahensya.
Nsa P15,000 ang natanggap na “seed money” ng bawat indibidwal mula sa mahihirap na komunidad base sa listahan ng DSWD.

“Malaking tulong din ng Kongreso sa patuloy na pagpopondo sa programang ito sa ilalim ni Speaker Martin Romualdez”, ani Cong. Tulfo.

Suhestiyon naman ni Cong. Yap, “mas maganda ipuhunan po ninyo ang perang yan kung saan sa tingin nyo ay lalago dahil yun ang nais nyong gawin”.

Pinasalamatan din ni Tulfo si DSWD Rex Gatchalian dahil sa patuloy ang pag-aasikaso ng opisyal sa mga mahihirap ng mga Pilipino saanmang sulok ng bansa.

Daan-daang milyon ang inilalaan ng Kongreso sa DSWD para sa SLP alinsunod sa utos ni Speaker Romualdez na isa sa mga programa naman ng Marcos administration.