HINDI tumitigil ang administrasyong Marcos sa paghahanap ng paraan para mapagaan ang buhay ng mga Filipino.
Ayon kay House Speaker Martin Romualdez, ang pamimigay ng mga ayuda, scholarship at pangkabuhayan sa mga mahihirap ay ilan lamang sa ginagawa na ng pamahalaan.
Ang pamamahagi ng mga bigas at cash sa iba’t ibang lalawigan, sa pamamagitan ng ‘Cash and Rice Distribution’ (CARD) ng Kongreso ay isang programa para sa mahihirap.
Aniya, “pero siyempre hindi lang ang mahihirap ang kailangang tulungan ng gobyerno tulad ng mga may trabaho nga pero minimum or below minimum wage lang ang kinikita.”
“Yung AKAP o Ayuda sa mga Kapos ang Kita Program ng DSWD ay para sa mga below middle class na tulong ng pamahalaan,” ayon kay Speaker Romualdez.
Dagdag pa ng Speaker of the House, “ang pagtataas sa grocery discount ng mga senior at PWD to P500 per month ay tulong sa mga senior citizen at PWD sector.”
Ang mga libreng pa-check-up ng PhilHealth sa ilalim ng ‘Konsulta’ package ng ahensiya ay isa pang ayuda para sa kalusugan ng mga miyembro ng PhilHealth.
Paliwanag pa ng lider ng Kongreso, ang mga ito ay panandaliang tugon lang sa agarang pangangailangan ng mga Pilipino.
Kaya naman daw ang pagrerebyu ng ilang batas tulad ng Rice Tarrification Law para payagan muling magbenta ang National Food Authority (NFA) ng murang bigas sa mga palengke.
Paalala pa ni Romualdez, “We will make sure na hahanapan ng administrasyong ito ng solusyon ang mga problema na kinakaharap nating lahat bago matapos ang termino ni PBBM.”