NAGTALA si Teia Salvino ng bagong record sa Southeast Asian Games tungo sa pagwawagi ng ginto sa women’s 100m backstroke kagabi sa Aquatic Center sa Morodok Techo National Stadium.
Naorasan si Salvino ng 1:01.640 upang bigyan ang Pilipinas ng isa pang gold medal sa swimming sa 32nd SEA Games sa Cambodia.
Winasak niya ang dating marka na 1:01.89, na naitala ni Vietnam’s Nguyễn Thị Ánh Viên sa Kuala Lumpur noong 2017.
Si Salvino ang ikalawang Pinoy na nanalo ng gold sa swimming at ikalawa rin na nagtala ng bagong record. Si Xiandi Chua ang bagong recordholder sa 200m breastroke makaraang maorasan ng 2:13.20 noong Lunes ng gabi.
Kinumpleto nina Singapore’s Faith Khoo (1:03.680) at Indonesia’s Angel Gabriella Yus (1:03.710) ang podium.