(Gold bar, alahas, P30-M cash natangay) PAWNSHOP SINALAKAY NG TERMITE GANG

ISABELA – NATANGAY ng tinaguriang Termite Gang ang gold bar, mga alahas at cash na nagkakahalaga ng P30 milyon nang looban ng mga ito ang isang pawnshop sa Brgy. Centro East, Santiago City kamakalawa.

Sa ibinahaging ulat ni Col. Saturnino Soriano, Public Information Officer ng Santiago City Police Office, kinabukasan pagpasok ng mga empleyado nagulat ang mga ito nang makita na may malaking butas sa loob ng bahay sanglaan bukod sa mga nagkalat na mga kahoy.

Sa takot mabilis silang tumawag ng mga awtoridad para ireport ang pangyayari.

Agad namang tumugon ang Santiago City PNP para iproseso ang crime scene at dito ay natuklasan ng may-ari na maraming alahas, gold bar at dolyar ang nawala na sinasabing aabot sa tatlumpung mil­yong.

Ayon sa mga imbestigador gumamit ng ilang pamamaraan ang naturang grupo para sukatin ang eksaktong lokasyon ng pawn shop mula sa drainage canal na siyang nagsilbing access ng grupo papasok sa sanglaan.

Posible umanong pinagplanuhan at maaring  dalawa hanggang tatlong araw ang ginawang paghuhukay para makapasok sa  sahig ng lobby ng pawnshop.

Hanggang sa tuluyan na rin sinira ang mga nakakandadong kuwarto ng pawnshop kung nasaan naman nakalatag ang mga vault kung saan tinatago ang mga nalimas na alahas at pera.

Para hindi mamonitor ang kanilang galaw ay gumamit ng itim na pintura ang grupo para takpan  ang mga CCTV camera bago pinutol at tinangay ang CPU ng CCTV.

Sinamantala ng grupo ang kawalan ng guwardiya ng pawn shop para maisakatuparan ang pagnanakaw.

Hanggang sa ngayon ay blangko pa rin ang pulisya sa pagkakakilanlan ng mga suspek.

VERLIN RUIZ