GOLD TARGET NI GANAPIN SA ASIAN PARA GAMES

HANGZHOU – Isang casualty ng COVID-19 pandemic si one-armed taekwondo jin Alain Ganapin, na ang kampanya na sumabak sa Tokyo Paralympic Games noong 2021 ay nadiskaril makaraang tamaan siya ng virus, ilang araw na lamang bago siya umalis patungong Japanese capital.

Ang masaklap na what-might-have-been experience ay nakaukit sa alaala ng Marikina native, na nangakong magsisikap at buhayin ang kanyang Olympic dream, anuman ang sakripisyong kailangan niyang danasin.

Ang kanyang journey sa Paris Paralympic Games ay nagsimula noong May 2022 nang pagharian niya ang men’s -70-kilogram division ng Asian Para Games Qualification Tournament na idinaos sa Sharjah, United Arab Emirates, na nagbigay sa kanya ng ticket sa 4th Hangzhou Asian Para Games.

“Hindi biro po ‘yung pinagdaanan po namin, especially dahil nung nangyari sa Tokyo na na-miss po namin. Kaya naging emosyonal po ako ng manalo sa qualifying sa Asian Para Games,” sabi ni Ganapin sa isang panayam kasama si personal coach Gershon Bautista.

Sinabi ni Bautista na ang atleta ay hindi lamang sumasailalim sa matinding pagsasanay sa nakalipas na tatlong buwan sa Philippine Taekwondo Association Central Gym sa loob ng Rizal Memorial Sports Complex, kundi pati masidhing physical conditioning para sa meet.

“He (Ganapin) is better off now compared to three months ago. Kapag sparring, nahihirapan na rin ang mga kalaban ni Alain,” ani Bautista patungkol sa kanyang tuneup matches sa ilan sa able-bodied national team members, kabilang si celebrated veteran at Southeast Asian Games champ Samuel Morrison.

“We believe he (Ganapin) has achieved a good fitness level for him to perform well in this Asian Para Games,” sabi pa ng coach.

“Hopefully ‘yung naipundar namin ni Alain in his strength and conditioning for this event will be more than enough,” dagdag pa niya.

Patunay na balik na si Ganapin sa competitive shape ay noong nakaraang July nang magwagi siya ng bronze sa Australian Open, isang Olympic ranking qualifying competition.

Kaya naman papatay siya ng dalawang ibon gamit ang isang bato sa pagkamit ng podium finish sa kanyang debut dito.

“Kapag mag-podium finish si Alain, tataas din po ‘yung world ranking niya,” paliwanag ni Bautista, na ibinunyag na ang kanyang alaga ay kasalukuyang ranked No. 24 sa world ratings. “He has a bigger chance of making it to Paris if he is within the top 20 in the world because this event has more qualifying points.”

“Yung maka-compete sa Paralympic Games ang aming ultimate goal ni coach. Nais ko na matapos ng event ng maayos at makauwi ng medalya,” determinadong pahayag ng atleta.

Ang bansa ay wala pang taekwondo jin na sumabak sa Paralympic Games, at kung masusunod ang plano, si Ganapin ay nakahanda na gawin ito sa pagpuntirya sa gold sa 4th Hangzhou Asian Para Games dito.