BALIK si EJ Obiena sa itaas ng podium makaraang magwagi ng gold sa Liechtenstein leg ng 2022 Golden Fly Series nitong Linggo (Lunes ng umaga sa Manila).
Wala pang isang linggo magnula nang magkasya sa silver sa ISTAF Berlin sa Germany, na-clear ni Obiena ang 5.71 meters upang gapiin ang limang iba pang katunggali.
Kinuha ni American Olen Tray Oates ang silver na may 5.61 meters, habang nagkasya si Riccardo Klotz ng Austria sa bronze na may 5.51 meters.
Ito na ang ika-5 gold ng 26-year-old Pinoy Olympian sa loob ng tatlong linggo, kabilang ang upset win kontra world number one Armand Duplantis sa Brussels Diamond League sa Belgium.
Nagwagi rin si Obiena ng gold sa St. Wendel City Jump sa Germany, sa True Athletes Classics sa Leverkusen at sa Internationales Stabhochsprung-Meeting sa Jockrim.
Bukod sa 5 golds at isang silver, nasungkit din ni Obiena ang bronze sa Lausanne Diamond League sa Switzerland.
CLYDE MARIANO