NAPAWI ang lahat ng sama ng loob ng followers ni James Yap noong Huwebes ng gabi nang pangunahan nito ang Rain or Shine Elasto Painters laban sa GlobalPort Batang Pier, 103-97. Bumanat siya ng 27 points. Naging controversial ang unang pagtatagpo ng Batang Pier at Elasto Painters nang makalimutan ni coach Caloy Garcia na ipasok sa fourth quarter si James, na dahilan ng pagkatalo sa huling sandali ng RoS.
Ayon kay Yap, tinext naman siya ni coach Caloy after the game, humingi ito ng pasensiya sa ‘di pagbalik sa kanya sa court noong nakaraang game. Sinabi naman ng player na mag-move on na lang kasi tapos na ang laro. “Kailangang manalo na lang tayo,” ani James.
Inamin ni James na sumama ang loob niya sa ‘di pagbabalik sa kanya sa court dahil alam niya na makatutulong naman siya sa team. Ngunit ang klase ni Yap ay hindi siya ‘yung ibang player na inirerekomenda ang sarili, hinihintay niya ang diskarte ng coach.
Laking pasalamat ng tubong-Escalante at nanalo ang team niya upang makaharap ang Barangay Ginebra sa best-of-five semifinals na magsisimula sa Linggo sa Araneta Coliseum. Sobrang saya ni James dahil sa unang pagkakataon ay ngayon pa lamang siya lalaro sa semis sa team ng RoS. Siguro naman sa pagkakataong ito ay ‘di na iisnabin ni coach Garcia ang kalibre ni King James. Siyempre, congratulations kay James na kasama sa 40 greatest player sa PBA.
Congrats pa rin sa GlobalPort Batang Pier at Magnolia Hotshots. Hindi man sila pumasok sa semis ay maganda naman ang ipinakita nila sa Commissioner’s Cup.
Bukas na ang pinakaaabangan ng mga boxing fan, ang laban ni Pambansang Kamao at Sen. Manny Pacquiao. Sabi ng mga boxing analyst, malakas si Pacquiao sa kanyang kalaban. Magkakaalaman bukas kung patutumbahin ng malakas na kamao ni Pacman si Matthysse sa kanilang bakbakan sa Malaysia. Isa tayo sa mga umaasa na mananalo si Manny para lalo pang humanga ang mga Filipino sa kanya, gayundin ang mga taga-ibang bansa. Good luck, Pacquiao!
Comments are closed.