MATAPOS na magpositibo sa African Swine Flu (ASF), kaagad na ipinag-utos ni Bureau of Customs (BOC) Commissioner Rey Leonardo Guerrero ang ‘condemnation’ o pagbaon sa goods na natagpuan sa isang container na naka-consign sa isang meat trader company.
Nagpalabas na rin ang BOC ng alert order para sa iba pang shipment na naka-consign sa kompanyang Dynamic M Intl Trading Inc., na may ware-house sa Kawit, Cavite.
Maghahain din ang BOC ng kaso laban sa kompanya at irerekomenda ang pagbawi ng lisensiya ng brokers nito.
Mahigpit na ring binabantayan ng BOC ang pagdating ng mga container ng meat at seafood products na pumapasok sa Manila ports.
Noong Disyembre, may 134 cargo na naglalaman ng iba’t ibang uri ng frozen seafood products ang nakumpiska matapos na mabigo ang consignees nito na makakuha ng kaukulang permit para sa kanilang importasyon.
Ang shipment na naka-consign sa Dynamic M Intl Trading Inc. ay dumating noong Disyembre 11 ng nakaraang taon.
Naglalaman ito ng pecking duck at ilang misdeclared items, na nagtulak kay Deputy Commissioner for Intelligence Raniel Ramiro na irekomenda para sa pagsusuri, kung saan lumitaw na ang mga produkto ay kontaminado ng ASF.
Ang Manila International Container Port Customs Intelligence and Investigation Service (MICP-CIIS) ang nanguna sa imbestigasyon.
Si Dr. Reynaldo R. Quilang, MSA, chief ng Veterinary Quarantine Services-MICP, naman ang nagrekomenda na lahat ng laman ng container ay i-condemn at ibaon na sa compound ng warehouse.
Matatandaang noong nakaraang taon may 13 lalawigan sa Filipinas ang nagdeklara ng ASF outbreak kaya ipinatigil na ng local governments ang pagbebenta ng mga karne sa merkado, restaurants, at fast-food chain.
Comments are closed.