GOVERNORS’ CUP: DURHAM BALIK-MERALCO

Allen Durham

MULING kinuha ng Meralco Bolts ang serbisyo ni Allen Durham bilang kanilang reinforcement para sa 2019 PBA Governors’ Cup sa Setyembre.

Ito ang magiging ika-4 na sunod na pagsabak ni Durham para sa Bolts, at ika-5 sa kabuuan sa nangungunang pro league sa Asia.

Si Durham ay unang naglaro sa liga noong 2014 sa now-defunct Barako Bull Energy.  Pagkalipas ng dalawang taon ay naglaro siya bilang import ng Meralco Bolts at pinangunahan ang koponan sa unang Finals appearance nito.

Sa sumunod na taon, bumalik si Durham at ang Bolts sa Finals, su­balit natalo sa  Ginebra. Sa kanyang ikatlong tour of duty sa Meralco noong 2018, kinapos ang Bolts at yumuko sa Alaska Aces sa semifinals.

Si Durham ay may average na 28.6 points, 17.1 rebounds, 7.2 assists, at 1.1 blocks noong nakaraang season. Ang 6-foot-5 forward ay ga­ling sa paglalaro sa ­Shiga Lakestars sa ­Japan’s B.League.

Sa pagbabalik ni Durham ay umaasa ang Bolts na mas malayo ang kanilang mararating sa playoffs sa season-ending tilt makaraang maagang masibak sa huling dalawang conferences.