TUMAAS ang gross borrowings ng national government ng 13.8 percent noong Hunyo, ayon sa Bureau of the Treasury (BTr).
Sa latest cash operations report ng BTr ay lumitaw na ang gross borrowings noong Hunyo ay nagkakahalaga ng P166.4 billion, tumaas mula sa P146.1 billion na naitala sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Ayon sa datos ng BTr, ang domestic debt na bumubuo sa mahigit 80 percent ng total gross borrowings ay tumaas sa P143.9 billion mula P96.4 billion noong June 2022.
Samantala, ang external borrowings ay bumaba ng 54 percent mula P49.7 billion noong June 2022 sa P22.5 billion noong June ng kasalukuyang taon.
Sa first semester ng taon ay naitala ang gross borrowings sa P1.4 trillion.
Ang external borrowings ay umabot sa P366.4 billion habang ang domestic borrowings ay nasa P1.05 trillion.
Naunang sinabi ng Department of Budget and Management (DBM) na walang problema sa pangungutang ng pamahalaan basta ginagasta ito sa produktibong paggagamitan.
Ipinaliwanag ni Budget Secretary Amenah Pangandaman na malaki ang itinaas ng debt-to-gross domestic product (GDP) ng pamahalaan sa kasagsagan ng pandemya dahil kinailangan nitong mangutang pa para tustusan ang health sector.
“We are trying to lower our debt as a percentage of GDP and our deficit. There is a deficit because you have insufficient revenue and the balance will come from borrowings. So, it’s all interconnected,” ayon kay Pangandaman.
(PNA)