GOV’T MAY SAPAT NA PONDO KAY ‘ODETTE’

TINIYAK ni Albay Rep. Joey Salceda na may sapat na pondo ang pamahalaan na maaaring hugutin o gamitin upang matulungan ang mga lugar na malubhang sinalanta ng bagyong Odette.

Ilan, aniya, sa mga pondo na maaaring gamitin agad ng pamahalaan para masuportahan ang mga kababayang sinalanta ng bagyo ay ang quick response fund sa ilalim ng Republic Act 10121, National Disaster Risk Reduction Management (NDRRM) Funds, at ang contingent fund ng Pangulo.

Ayon kay Salceda, base sa pinakahuling budget report, mayroon pang P6.5 billion na available funds mula sa NDRRM at  sa President’s contingent funds.

Dagdag pa rito ang Presidential Social Fund na may P2 billion mula sa ini-remit ng PAGCOR na maaaring i-mobilize para tulungang makabangon ang mga biktima ng kalamidad.

Bukas din, aniya, ang Kongreso para tulungan ang pambansang gobyerno na i-reprogram ang ilang mga pondo ng mga ahensiya  na may malaki pang balanse upang magamit sa mga sinalanta ng bagyong Odette. CONDE BATAC