GOV’T SPENDING SA PH DIGITALIZATION PINATATAASAN

HINILING ng Private Sector Advisory Council (PSAC) sa pamahalaan na taasan ang paggasta sa pagpapaunlad ng internet infrastructure sa bansa.

Sa isang statement, nanawagan ang PSAC na itaas ang infrastructure budget ng  Department of Information and Communications Technology (DICT) sa P240 billion mula sa kasalukuyang  P7.6 billion sa loob ng anim na taon, mula 2018 hanggang 2024.

“This is dwarfed by private sector spending. Globe [Telecom Inc.] alone has invested PHP265 billion in capital expenditure and PHP236 billion in operational expenses in the past three years to enhance its network capabilities to improve the country’s digital infrastructure,” ayon sa PSAC.

Ang pagtataas sa infrastructure budget ay makatutulong umano upang makamit ang  connectivity goals ng pamahalaan na magkaroon ng mas murang  internet services at itaas ang internet penetration rate sa bansa sa 65 percent mula sa kasalukuyang 33 percent.

Hiniling din ng grupo ang commercial partnership sa pagitan ng gobyerno at ng  pribadong sektor para magtayo ng 35,000 bagong  cell sites at upang matiyak ang  “full and consistent implementation” ng Executive Order No. 32 na naglalayong padaliin at pabilisin ang permitting process para sa telecommunications (telecom) infrastructure.

Hiniling ng grupo ang annual allocation na P60 billion para sa DICT upang umupa ng mga  tower, magtayo ng last-mile facilities, at i-optimize ang umiiral na telecommunications infrastructure.

Iminungkahi nito ang pagtutulungan sa pagitan ng pamahalaan at ng pribadong sektor sa pagsasagawa ng naturang mga hakbang.

“These are essential steps toward achieving comprehensive national coverage by 2028,” ayon sa grupo.

Kapag naaprubahan, sinabi ng PSAC na ang mga aksiyong ito ay makatutulong upang ang Pilipinas ay manguna sa digital economy sa Southeast Asia.

“We advocate for a Presidential directive to ensure that all relevant agencies are fully aligned in executing all training and job promotion activities to achieve this ambitious job creation target.”

Tinalakay ang mga ito sa isang pagpupulong sa pagitan ng mga miyembro ng PSAC at ni Presidente Ferdinand R. Marcos Jr. sa Malacanang noong April 19.

Ang PSAC ay pinangunahan sa pagpupulong ni lead convenor at Aboitiz Group president and CEO Sabin Aboitiz, kasama sina PSAC digital infrastructure sector leader at UnionDigital Bank president and CEO Henry Aguda, Globe president and CEO Ernest Cu, at former president and CEO of PLDT-Smart Al Panlilio.                                                                                                        

(PNA)