GRAB AT MOVE IT BINATIKOS SA CANCELLATION, PRICE SURGE

Inuulan ng batikos sa social media ang Grab at Move It dahil sa madalas na kanselasyon at price surge ngayong panahon ng Kapaskuhan.

Nag-trending ang post ng isang commuter na pinipilit ng isang rider na mag-cancel matapos tanggihan na isakay ito.

Sa screenshot ng kanilang usapan, inutusan ng rider ang commuter na i-cancel na ang booking, bagay na ayaw gawin ng pasahero.

Dinadagsa rin ng reklamo ang mismong Facebook page ng Move It and Grab ukol sa madalas na kanselasyon, lalo na kung automatic na nababawas sa GCash o Grab wallet ang pamasahe.

Sa kuwento ng isang pasahero, nakiusap siya sa Move It rider na mag-antay dahil pababa na siya ng building. Pagbaba niya, bigla na lang kinansel ng rider ang booking kahit nakita na siya nito.

”Kinausap ko siya na GCash ang payment at matagal bago maibalik. Bigla na lang siyang umalis,” salaysay ng commuter.

May isang pasahero naman na na-cancel ang booking ang umalma dahil hanggang ngayon hindi pa rin naibabalik ang pamasaheng binawas sa kanyang GCash.

“Nag-book ako payment by GCash sabay kinancel ng driver tapos nakaltasan ako sa GCash wallet ko hindi na naibalik ung bayad ko. Please do some action Grab, “ sabi ng isang commuter..

Sa post ng Digital Pinoys, naglabas ng hinaing ang mga commuter ukol sa price surge ng Grab at Move It. Hiling nila, dapat nang umaksiyon ang Land Transportation Franchising ang Regulatory Board (LTFRB) ukol sa patakarang ito ng Grab.

”Sana may improvement na sa sistema ng LTFRB para hindi kami mag suffer sa ganitong klase ng surge pricing especially sa Grab,” komento ng isang netizen..

Sa kabila ng price surge, umaaray naman ang mga rider at driver ng Grab at Move It sa umano”y napakalaking komisyon na napupunta sa kompanya na umaabot sa 25 porsiyento.

Anila, ang dating kita nila na naglalaro sa P900 hanggang P1,000 ay nasa P500 na lang.

Ayon pa sa isang rider, kung dati ay pitong oras lang ang kailangan para kumita ng P1,000, ngayon inaabot na sila ng 15 oras para maabot ang nasabing halaga.