GRAB PH AT UBER PINAGMUMULTA NG P16 MILLION

GRAB-UBER

PINAGMUMULTA ng Philippine Competition Commission o PCC ng P16 million ang Grab Philippines at Uber.

Ayon kay PCC Commissioner Stella Quimbo, ang penalty sa ride-hailing apps ay dahil sa paglabag sa merger interim measure ng komisyon.

“One is that the violations prejudiced our ability to impose remedies… One is that it prejudiced our review process,” aniya.

Paliwanag pa ni Quimbo, nabigo ang Grab PH at Uber na magkaroon ng hiwalay na operasyon bago naaprubahan ang merger ng dalawang kompanya.

Ang Grab at Uber ay pumasok sa merger noong Abril 8, 2018. Aniya, Abril 8, 2018 nang tumigil sa operasyon ang Uber, o bago pa mag-isyu ang PCC ng utos na ituloy ang serbisyo nito habang nagsasagawa ng rebyu sa merger transaction.

Narito ang breakdown ng multa:

–P4 million para sa pagsasagawa ng kanilang merger deal habang nasa review period;

–P8 million sa Grab sa bigong pagpapanatili ng pre-merger conditions;

–P4 million sa Uber sa bigong pagpapanatili ng pre-merger conditions.

Sa isang statement naman ng Grab PH, sinabi nito na pag-aaralan muna nila ang utos ng PCC bago maglabas ng komento.

Ayon kay Leo Gonzales, ang public affairs head ng Grab PH, titingnan nila kung anong legal options ang maaari nilang gawin kaugnay sa PCC order.

Nauna nang pinagmulta ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB ang Grab PH ng P10 million dahil sa umano’y sobra-sobrang paniningil sa mga pasahero nito.

Ayon kay Quimbo, mas mababa ang multa na ipinataw ng PCC sa Uber dahil sa order dito ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na nagkaroon ng  “cease and desist” sa kanilang operasyon simula Abril 16.

“We took into consideration na mayroong period of time na dahil sa pag-comply nila sa LTFRB order ay kinailangan namin i-reduce ang fines ng Uber,” paliwanag  ni Quimbo.

Sa ilalim ng Philippine Competition Act (PCA), kinakailangang repasuhin ng PCC ang lahat ng business transactions sa bansa na nagkakahalaga ng P2 billion pataas.

Nagsagawa ang Grab at Uber noong Marso ng  operations merger sa Fili­pinas na noon pang nasa ilalim ng rebyu ng anti-trust watchdog.

“Given the challenges, it was really just more difficult for PCC to complete the review process,” sabi pa ni Quimbo.

“We required more information, we required more analysis, we required more meetings with the parties which would not have occurred if they were able to return to the pre-merger conditions,” dagdag pa  niya.

“These fines are not for a finding of a substantial lessening of competition but rather, the fines are imposed for causing undue difficulties on the PCC review and decision-making process,” paliwanag niya.

Comments are closed.