SI Elma Muros-Posadas, kasama sina Arniel Gutierrez ng ESports World Federation (kaliwa) at Jojo Posadas sa Tabloids Organization in Philippine Sports, Inc. (TOPS) ‘Usapang Sports’. Kuha ni RUDY ESPERAS
HINILING ni athletics icon Elma Muros-Posadas sa pamunuan ng Philippine Amateur Track and Field Association (Patafa) at sa kasalukuyang coaching staff na bigyang halaga ang homegrown athletes at huwag sayangin ang talento ng mga batang produkto ng mga tunay na grassroots sports program sa bansa.
Ayon kay Murios-Posadas, two-time Olympian at tinaguriang ‘Iron Lady’ ng Southeast Asian Games tangan ang 25 medalya, tampok ang record 8 long jump titles, nakalulungkot na nababalewala ang mga talento ng batang atleta, na aniya ay mas ‘deserving’ sa National Team kumpara sa matatandang atleta na namamalagi sa mahabang panahon sa kabila ng kabiguang magwagi ng medalya sa international competition.
“Ayokong makasakit pero sobra na talaga ang nangyayari, ang daming talent mula sa grassroots, sa NCAA, sa UAAP, ang hindi tinatanggap sa National pool. Tapos ‘yung mga matatanda na wala namang naipapanalo hanggang ngayon, ‘yun ang pinapaboran. Pinaiiral ang bata-bata system. Dapat kung hindi makapanalo sa SEA Games out na sana. Ang daming mahuhusay na bata,” emosyonal na pahayag ng Philippine Sports Hall of Famer sa kanyang pagbisita sa Tabloids Organization in Philippine Sports, Inc. (TOPS) ‘Usapang Sports’ nitong Huwebes sa PSC Conference Room sa Malate, Manila.
“Kilala ninyo ako, ayoko sanang nagsasalita at tiyak maraming magagalit sa akin sa Patafa, pero hindi ko na matiis. Laging bukambibig ang grassroots development pero binabalewala ‘yung mga talent galing dito. Wala akong problema sa Fil-am athletes, pero huwag sanang pabayaan ang ating mga homegrown,” ayon kay Muros-Posadas.
Kasama niyang dumalo sa programa ang asawa at coaching partner sa Jose Rizal University na si Jojo Posadas, Olympic taekwondo bronze medalist at St. Benilde Sports Director Stephen Fernandez, Esports World Federation president Arniel Gutierrez at Cybercraft Philippines president Ranulf Goss.
“Nasaan ba ang pinakamahuhusay nating atleta, hindi ba nasa NCAA at UAAP? Isama mo na rin ‘yung mga nasa probinsya. May napo-produce tayong talent, pero hindi naman isinasama sa National Team. Kaya every SEA Games, walang ibang mailaban kundi Fil-Am. Malalakas naman talaga sila sa abroad na-train mga ‘yan, pero ‘yung homegrown hindi talaga lalakas kung hindi tutulungan sa National Team,” sabi ni Jojo Posadas.
Tiwala ang tinaguriang ‘Golden Couple’ ng Philippine Athletics sa kakayahan ng homegrown.
“Kami sa JRU, hindi namin priority sa recruitment ‘yung mga medalists sa Palarong Pambansa. Doon kami sa mga hindi nakamedal pero may passion, disiplinado at determinado na matuto. Since 2008, ‘yan ang aming panuntunan at kami naman po ay nagtatagumpay,” aniya.
Nakamit ng JRU, sa pangunguna nina Games record breaker Frederick Ramirez at Randy Degolacion, ang NCAA ‘three-peat’ sa athletics. Binura ng 24-anyos na si Ramirez ang marka sa 400m (48.03) sa tiyempong 46.95 at 200m (21.93) sa impresibong oras na 21.43.
“Hindi sila kilala sa Palarong Pambansa pero sa NCAA at sa National Team gumagawa sila ng pangalan. Yan ang bunga ng determinasyon, pag-aalaga at tamang training,” pahayag ni Posadas.
CLYDE MARIANO