NANGANGAMBA ang assessment officers ng iba’t ibang Port na dumagsa sa bansa ang mga kontrabando, pati na ilegal na droga, dahil sa kontrobersiyal na implementasyon ng ‘selectivity system’, na umano’y isang palpak na polisiyang ipinatutupad ng Risk Management Office ng Bureau of Customs sa ilalim ng liderato ni Commissioner Guerrero.
Ayon sa nagsumbong sa PILIPINO Mirror reportorial team na customs insider mula sa hanay ng assessment officers, ang selectivity system ay maihahalintulad sa isang stop light na kung saan color coded ang mga shipment ng mga kulay na red, yellow at green.
Ang red lane, ayon sa nagsusumbong na Customs insider, ay dadaan sa isang masusing pisikal na inspeksiyon, pati na ang mga import document ng naturang kargamento; ang dilaw naman ay limitado sa document inspection, samantalang ang green ay halos walang daraanan na anumang inspeksiyon at malayang makalalabas ng pantalan.
“Nagulat na lang kami nitong nagdaang Lunes nang aming madiskubre na malaking bahagi ng mga shipments, o importasyon, ay inihanay sa ‘green lane’ kahit na under valued ang assessment at tax payments ng mga ito,” pahayag ng nagsusumbong na assessment officer mula sa isang pantalan sa Manila.
Paliwanag niya: “Ang green lane ay para lamang sa mga lehitimong importers na walang bahid ng paglabag sa customs law, rules at regulations at kilalang nagbabayad ng sapat na buwis at hindi para sa mga smugglers or tinatawag na players.”
“Subalit ginagawa ito ngayon na isang malaking raket o ‘hanapbuhay ng ilang tiwaling opisyal ng RMO at obyus na may pagkunsinti ni komisyuner dahil pati mga notoryus na players at kilalang ismagler ay pinararaan na rin sa green lane kapalit ng ‘tara’ na nagkakahalagang P10,000 kada lata,” paha-yag pa ng nagsumbong na assessment officer.
Dagdag pa niya na “ang mga taong nasa likod ng kontrobersiyal na polisiyang ipinatutupad ay sina Gen. Vincent Reyes, consultant ni Comm. Guer-rero at Col. George Avila na tumatayong hepe ng RMO na umano’y ay walang kaukulang appointment papers at aprubadong Customs Personel Order (CPO).
Nang tanungin ng PILIPINO Mirror reporter ang nagsumbong na assessment officer kung kasama sa “tarahan” ang dalawang RMO officials ay wala itong naisagot maliban sa makahulugang ngiti.
Pero sinabi niya na ang ikinadismaya ng mga kawani sa Aduana, lalo na ang regular employees, ay ang tila malinaw na pagkunsinti ni Comm. Guerrero na pamunuan at pangasiwaan ng mga walang appointment papers o legal na designasyon ang RMO, na isa sa mga pinaka-sensitibong tangga-pan sa Customs.
Bukod sa kutob ng mga kawani ng Customs na bahagi ito ng ‘centralized tara system,’ matindi rin umano ang pangamba ng taga-Aduana sa posibilidad na bahaing muli ng droga ang Filipinas dahil sa kawalan ng tamang inspeksiyon na sasamantalahin naman ng mga smuggler at drug lords.
Comments are closed.