ILOILO CITY – Nadominahan ng Guimaras State University (GSU) at University of Negros Occidental-Recoletos (UNO-R) ang kanikanilang brackets sa women’s volleyball event ng Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) Games Visayas Leg kahapon sa University of San Agustin Gymnasium dito.
Namayani ang GSU kontra Colegio de Santa Ana de Victorias, 25- 17, 19-25, 25-21, 25-19, at nagreyna sa Army bracket, habang winalis ng UNO-R ang Negros Oriental State University-Recoletos, 25-17, 25- 14, 25-10, para manguna sa Air Force side.
Sa boxing, nakopo ni Army’s Efondo Joeler ang gold medal sa 48-51 kilograms category nang gapiin si Romeo Caluspos, habang tinalo ni Alfred Deslate si Christian Moses para sa 51-54kgs top honors.
Namayani si Renz Puyong laban kay Klent Pareno upang kunin ang gold sa 54-57kgs, gayundin sina Love Heart Marino (51-54kgs) at Ranie Caringan (54-57kgs).
Ang closing ceremony ay pinangunahan nina Senators Francis Tolentino at Robinhood Padilla.
Nanguna ang Army sa final medal tally na may 25 gold, 25 silver at 34 bronze medals, sumunod ang Air Force (23-23-22) at Navy (9-9-9).
-CLYDE MARIANO