CAVITE – KALABOSO ang 46-anyos na gun-for-hire sa Zambo City na nagtago makaraang masakote ng mga operatiba ng pulisya sa inilatag na Comelec checkpoint sa bahagi ng Barangay Victoria Reyes, Dasmariñas City, kamakalawa ng gabi.
Isinailalim sa tactical interrogation ang suspek na si Eleazar “Bulilit” Falcasantos y Balilla na gumagamit din ng alyas Alih Usman, tubong Lamitan, Basilan at pansamantalang nakatira sa Block 5A Excess lot, Brgy. H2, Dasmariñas City.
Base sa police report, naaresto ang suspek na lulan ng motorsiklo makaraang takasan nito ang Comelec checkpoint sa nabanggit na lugar.
Hindi na nakapalag ang suspek sa arresting team ng pulisya kung saan nasamsam ang isang sling blue bag na naglalaman ng cal. 45 pistol na kargado ng pitong bala, 10 live ammunition ng cal. 45, at isang granada.
Ayon sa pulisya, wala namang maipakitang driver’s license, ilang papeles sa minamanehong motorsiklo at kaukulang dokumento ng cal. 45 pistol.
Nabatid din sa ulat na sangkot sa serye ng shooting incident ang suspek kung saan napatay nito ang nagngangalang Abdulah Tajid sa Zambo kaya ito nagtago sa nasabing barangay.
Napag-alaman din ng pulisya na tinutugis ng suspek ang kanyang nakaaway na sinasabing opisyal ng barangay sa Paliparan 3 sa nabanggit na lungsod.
Nahahaharap ngayon ang suspek sa kasong paglabag sa RA 9516 (Illegal Possession of Firearm with Ammunitions and Explosive) na may kaugnayan sa Omnibus Election Code. at RA 10591. MHAR BASCO
Comments are closed.