MAKATI CITY – NASA 51 motorista kabilang ang tatlong pulis Maynila at isang teacher ang nahuli ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) matapos na ang mga ito ay lumabag sa anti-colorum sa Macapagal Avenue, Parañaque City.
Sa pahayag kay MMDA operations supervisor Bong Nebrija, ayaw muna niyang banggitin ang mga pangalan ng tatlong pulis na nakatalaga sa Maynila at isang teacher na halos na nagmamakaawa at nakikiusap na huwag siyang hulihin ngunit tinuluyan pa rin ng kanilang mga tauhan.
Ayon kay Nebrija, simula alas-5:00 ng umaga ng buong isang linggo hanggang kahapon ay nagsagawa ng operasyon ang mga tauhan ng anti-colorum at clearing operation ng MMDA sa kahabaang ng Macapagal Avenue sa Parañaque City.
Ang anti-colorum at clearing operation ay isinagawa ng MMDA bunsod ng reklamo na maraming naglipanang mga colorum na behikulo sa naturang lugar kung saan naapektuhan ang mga legal na bumibiyahe sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) sa Coastal Road ng naturang siyudad.
Nagresulta ito ng pagkakahuli sa 51 motorista na bukod sa inisyuhan sila ng panikit ay ini-impound ang kanilang mga behikulo sa impounding area ng MMDA sa Ultra, Pasig City.
Bilang parusa sa mga ito ay pinagmumulta sila ng halagang P6,000.00 at suspendido ang kanilang driver’s license ng isang buwan.
Babala ni Nebrija sa mga pasaway na motorista na magsasagawa sila ng walang humpay na operasyon kontra sa mga colorum na behikulo. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.