TUMAAS sa 14.2% ang pamilyang Pinoy na nakaranas ng gutom, ayon sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS).
Lumitaw sa SWS survey na isinagawa noong nakaraang March 21-25 na ang 14.2% na pamilyang Pinoy na nakaranas ng gutom ay mas mataas kumpara sa 12.6% na naitala noong December 2023 at ang pinakamataas magmula noong May 2021 nang umabot ito sa 16.8%.
Bukod dito, ang 14.2% ay mas mataas ng 3.5 points kumpara sa 10.7% annual hunger rate noong 2023.
Sa 14.2% pamilya na nakaranas ng gutom, 12.2% ang may moderate hunger habang 2% ang dumanas ng severe hunger.
Ang moderate hunger ay yaong mga nakaranas ng gutom ng isang beses lamang o ilang beses sa nakalipas na tatlong buwan.
Samantala, ang severe hunger ay yaong madalas o laging nakaranas ng gutom sa nakalipas na tatlong buwan.
Kumpara noong December 2023, ang moderate hunger ay bahagyang tumaas sa 12.2% mula 11.2%.
Tumaas naman ang severe hunger sa 2% mula 1.4% noong December 2023.
Ang gutom na naranasan ay pinakamalala sa Metro Manila sa 19%, kasunod ang Balance Luzon sa 15.3%, Visayas sa 15%, at Mindanao sa 8.7%.
Ang 19% hunger incidence sa Metro Manila noong Marso ay malaki ang itinaas mula 12.7% noong December 2023.
Ang hunger incidence sa Visayas na 15% ay tumaas din ng 5.7 points mula 9.3% noong December 2023.
Bahagya lamang tumaas ang pagkagutom sa Balance Luzon sa 15.3% mula 14.3%.
Tanging ang Mindanao ang bumaba ang hunger incidence sa 8.7% mula 12% noong December 2023.
Ang SWS poll ay isinagawa gamit ang face-to-face interviews sa 1,500 adults na may edad 18 at pataas sa buong bansa. Sa 1,500 respondents, 600 ang nasa Balance Luzon habang tig-300 respondents ang tinanong sa Metro Manila, Visayas at Mindanao.
Ang sampling error margins ay ±2.5% para sa national percentages, ±4.0% para sa Balance Luzon, at tig- ±5.7% sa Metro Manila, Visayas, at Mindanao.