DOH: KASO NG LEPTO MABABA PA

leptospirosis

INIULAT ng Department of Health (DOH) na nakapagtala sila ng mas mababang bilang ng mga kaso ng leptospirosis ngayong taon kumpara noong nakaraang taon.

Ang ulat ay ginawa ni Health Secretary Francisco Duque III nang bisitahin nitong Martes ng tanghali ang National Kidney Transplant Institute (NKTI) matapos na mapaulat na binuksan na rin ang gym ng naturang pagamutan upang gawing ward dahil sa pagdami ng mga naa-admit na mga pasyenteng may leptospirosis.

Ayon naman kay Duque, mula Enero 1 hanggang Hulyo 27 ay nakapagtala lamang sila ng 916 leptospirosis cases, kabilang ang 106 na binawian ng buhay o may case fatality rate na 12 porsiyento.

Aniya, mas mababa ito ng 166% kumpara sa 2,618 kaso sa kahalintulad na petsa na naitala noong nakaraang taon.

“From January 1 to July 27, we have a total of 916 cases, 106 deaths for a case fatality rate of 12 percent.  Last year, ang atin pong kaso ay sadyang napakamataas kaysa ngayon. Last year, umabot po tayo ng 2,618 cases,” anang kalihim.

“So, this is actually much lower, which is actually good news, compared to last year, same reporting period  by 166 percent,” aniya.

Sa naturang bilang, nabatid na ang National Capital Region (NCR) ang may pinakamara­ming naitalang kaso ng sakit na umabot ng 307 kaso, kasunod ang Region 6 at Region 5.

Nangangahulugan aniya ito na marumi na talaga sa metropolis.

Umaasa naman si Duque na hindi na madaragdagan pa ang naturang bilang, bagama’t inaasahan niyang magkakaroon pa ng mara­ming pag-ulan at mga pagbaha na mararanasan sa bansa sa Oktubre.

Ayon pa kay Duque, upang tuluyang masugpo ang leptospirosis ay dapat na tugunan ng pamahalaan ang problema sa environment, dahil ang karumihan ng paligid ang sanhi nang pagkalat ng naturang sakit na nakukuha sa ihi ng daga.

Paliwanag niya, nagsisimula ang leptospirosis sa mga basura na kinakalkal ng mga aso at pusa pagkatapos ay iniihian naman ng mga daga at kapag nabasa ng ulan ay siya namang aagos sa tubig-baha.

Nanawagan ang kalihim sa  local government units (LGUs) na gawin ang kanilang mandato na kolektahin ang mga basura sa kanilang nasasa-kupan upang makaiwas sa leptospirosis.

“So, nanawagan po ako sa mga pamahalaang lungsod, gawin po natin ang mandato natin na ang pagkokolekta ng inyong mga basura at ito ay kinakailangan para nang sa ganoon hindi po nakakalat o, ang mga aso, mga pusa eh binubulatlat itong mga basurang ito tapos ang mga daga doon din mag-iiihi, pagkatapos kumain ng ano man pagkain sa basura, at iyon ang umpisa dahil sa tubig, alam naman natin iyan ang number 1 na sanhi ng lepto, kontaminadong baha–tubig, tapos ‘yung isang taong may sugat, may alipu­nga, kinamot ng kinamot ‘yung kanyang binti mga paa, tapos lumusong sa baha, iyan ang pinakamalinaw na pangyayari kung bakit nagkakaroon ng lepto,” dagdag pa ng kalihim.

Pinayuhan din niya ang mga LGU na magpatupad ng information education at communication campaign strategies laban sa leptospirosis, para maturuan ang mga residente ng tamang pagtatapon ng basura.

Dapat din aniyang tiyakin ng national government na lahat ng tubig-baha ay madi-drain, dahil kung mayroon aniyang naipong maruruming tubig ay mas mataas ang panga­nib na dumami ang dadapuan ng leptospirosis. ANA ROSARIO HERNANDEZ