HABAL-HABAL DRIVER TIKLO SA P1.7-M SHABU

NAKUMPISKA sa isang habal-habal driver ang P1.7 milyong halaga ng shabu sa lungsod ng Pasig.

Nasakote ang suspek makaraang magsagawa ng check point kahapon ng madaling araw sa harap ng Rainforest Park F. Legaspi Street, Maybunga, Pasig City.

Pinangunahan ni Capt. Jazon Lovendino, Substation Commander ng Substation 7 ng Pasig PNP ang nasabing checkpoint operation at sa ulat nito kay Col. Celerino Sacro, Jr., chief of police ng Pasig PNP, pang anim na delivery na umano ito ng suspek mula ng pinasok nito ang pagiging drug courier.

Kinilala ang suspek na si alyas “Win,” na nakatira sa Brgy. Prinza, Teresa, Rizal.

Base sa isinagawang imbestigasyon, matapos umanong harangin ng mga operatiba ang suspek sakay ng asul na motorsiklo nito, naging kaduda-duda na umano ang ikinilos nito kung saan pumalag ito nang hingin ang lisensya at rehistro ng motor at naging arogante pa umano hanggang sa sinipa nito ang sumisita sa kaniya at pinahaharurot ang motorsiklo nito.

Mabilis naman na hinabol ng mga pulis ang suspek hanggang sa nahuli ito ngunit nagpupumiglas pa rin kung kaya’t agad na pinosasan.

Narekober sa suspek ang isang pulang belt bag na naglalaman ng tatlong supot ng shabu na tumitimbang ng 250.8 gramo at may street value na aabot sa P1.7 milyon.

Sasampahan ng kaso ang suspek dahil sa paglabag nito sa Section 11, Article II ng R.A. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, direct assault, resisting arrest at disobedience. ELMA MORALES