(Habang hinihintay ang SC decision) MODERNISASYON NG PUVs TULOY

NANINDIGAN ang Department of Transportation (DOTr) na kanilang ipatutupad ang  Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) habang hinihintay ang desisyon ng Korte Suprema sa petisyon ng mga jeepney driver at operator na pigilan ang programa.

Ginawa ni DOTr Undersecretary Andy Ortega ang pahayag sa panayam sa Super Radyo dzBB, dalawang araw bago magtapos ang deadline sa consolidation sa Abril 30.

“It’s best to be fair to everybody. Hintayin na lang siguro ‘yung decision ng Supreme Court para malaman natin kung ang magiging final say ng Supreme Court. But hanggang wala ‘yun, siguro we’re moving forward,” sabi ni Ortega.

“Siguro sila maghihintay ng decision. Siguro ‘yun ang tamang paraan,” dagdag pa niya.

Noong Martes ay kinalampag ng transport group PISTON ang Korte Suprema na aksiyunan ang kanilang petisyon para sa temporary restraining order (TRO) laban sa  PUVMP.

Magugunitang hiniling ng PISTON at ng iba pang transport groups noong Disyembre 2023 sa SC na ideklarang null and void ang issuances ng transportation agency at magpalabas ng TRO laban sa mga ito.

Kasalukuyan pang tinatalakay ng Korte Suprema ang petisyon ng PISTON.

Bilang protesta sa PUVMP at sa nalalapit na April 30 consolidation deadline, ikinasa ng PISTON ang 3-araw na nationwide strike mula Abril 29 hanggang Mayo 1.