(Habang nasa state of calamity ang bansa) POLICE OPS VS CPP-NPA-NDF SUSPENDIDO

Archie Gamboa

CAMP CRAME- EPEKTIBO na rin  ang suspension of offensive police operations (SOPO) laban sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic of the Philippines (CPP-NPA-NDF) ng  Philippine National Police  mula hatinggabi noong Marso 18, hanggang Abril 15.

Sinabi ni PNP Chief PGen. Archie Francisco Gamboa na ito ay bilang pagsunod  sa idineklarang unilateral ceasefire ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagitan ng CPP-NPA – NDF

Aniya,  lahat  ng national, regional, provincial at district police maneuver units na may kinalaman sa internal security operations ay inilagay sa “defensive posture” at “disaster response at public safety mode”.

Magagamit na aniya ngayon ang mga unit na ito sa pag-alalay sa publiko kaugnay  sa ipinatutupad na Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa buong Luzon laban sa COVID 19.

Subalit, inabisuhan ni Gamboa ang mga pulis na manatiling mapagbantay sa posibleng pag-atake ng mga “armed threat groups” at  gamitin ang “appropriate police response” bilang pangontra dito, alinsunod sa Police operational procedures.

Istrikto aniyang imomonitor ng PNP Command Center ang pagtupad ng mga police units sa SOPO. REA SARMIENTO/VERLIN RUIZ