PINAALALAHANAN ng Commission on Elections (Comelec) ang publiko kahapon na mayroon pa silang apat na araw upang maka-pagparehistro para sa 2022 National and Local Elections (NLE) ngayong buwang ng Disyembre.
Ayon kay Director James Jimenez, ang tagapagsalita ng Comelec, bukas pa ang kanilang mga field office para sa mga nais magpa-rehistro sa Disyembre 22 (Martes), 23 (Miyerkoles), 28 (Lunes) at 29 (Martes).
Sinabi ni Jimenez na ang mga magpaparehistro ay kinakailangan lamang magtungo sa mga Comelec field office at dalhin ang mga kina-kailangang requirement.
Mahigpit din ang paalala ni Jimenez sa mga ito na sumunod sa minimum health protocols na ipinatutupad ng pamahalaan para makaiwas sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Samantala, wala namang voter registration sa Disyembre 24 (Huwebes, bisperas ng Pasko), 25 (Biyernes, Araw ng Pasko), 26 (Sabado), 27 (Linggo), 30 (Miyerkoles, Rizal Day) at 31 (Huwebes, Bagong Taon).
Ang Disyembre 24 at 31 ay kapwa special non-working days habang ang Disyembre 25 at 30 naman ay parehong regular holidays kaya’t ang mga opisina ng Comelec sa buong bansa ay walang pasok sa mga nabanggit na petsa.
Magbabalik naman ang voter registration sa Enero 4, 2021, Lunes.
Dito magbubukas ang mga opisina ng poll body mula Lunes hanggang Huwebes, mula 8:00 ng umaga hanggang 3:00 ng hapon habang sarado naman ito kapag araw ng Biyernes, na siyang itinakdang araw para sa pag-disinpeksiyon ng mga pasilidad. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.