Hinimok kahapon ni Rev. Fr. Edward Jayson San Diego ang mga deboto ng Poong Hesus Nazareno na sundan ang halimbawa ni Hesukristo araw-araw.
Sa ginanap na Banal na Misa sa Quiapo kasabay ng kapistahan ng Nazareno, binigyang-diin ni Fr. San Diego na ang pananampalataya sa Diyos ay hindi lamang umiikot sa debosyon at mga panata.
Kalakip aniya nito ang pagsunod sa turo ng Diyos, at sa halimbawa ni Hesukristo noong siya ay nabubuhay pa sa mundo. Kung ano ang itinuturo ng Diyos ay siya rin sanang panindigan ng bawat deboto, at gawin o isabuhay araw-araw.
Hindi lamang aniya dapat ang personal na kagustuhan ang sundin kundi isaalang alang din ang mga tagubilin ng Diyos, kahit pa maisakripisyo ang personal na kagustuhan.
Samantala, tinulak na ang andas ng Nazareno patungo sa ilan pang mga kalye sa Maynila matapos maputol ang mga lubid na humihila rito.
Unang naputol ang lubid dakong umaga nang tumawid ang andas sa Finance Road patungo sa Ayala Boulevard.
Sumunod naman ay nang dumaan ito sa San Sebastian para sa tradisyunal na “dungaw” bandang 5:48 ng hapon.