Hamon at Pagkakataon para sa Alagad ng Sining (Ikalawang Bahagi)

ni Riza Zuniga

Nami Art Gallery, Imahica Art Gallery, Sentro Leona Galeria Museo, Artablado, Gateway Gallery, Yuchengco Museum, Yani Café, ilan sa mga galeria, museo at coffee shop na kaakibat ng mga alagad ng sining sa muling pagbangon ng ekonomiya mula sa bangungot ng pandemya ng mahigit na dalawang taon.

Nananatili ang hamon at pagkakataon para sa mga alagad ng sining, mayroon pa ring pangamba at takot baka muling sumalang sa hindi maipaliwanag na takbo ng buhay, kalusugan at ekonomiya.

Sadyang may mga sumusugal para sa alagad ng sining, nananaig ang pag-asa at optimismo. Ang Nami Art Gallery sa SMDC Fame ay nagbukas sa taong 2020, taon ng pandemya. Isang panahong walang kasiguruhan para sa mga alagad ng sining, ngunit nanatili ang pagsusumikap ng pamilya Yap na tulungan ang mga alagad ng sining na maipakita ang kanilang mga obra sa publiko.

“Batid namin ang hirap ng isang artist katulad ng aming ama na wala pang social media noong araw,” pahayag ni Gabriel Yap, anak ng yumaong artist na si Jose Baguio.

Dagdag niya, “Ito ang nagpa-aral sa amin.” Mula sa karanasang iyan, “Alam namin ang buhay ng mga artists, may mga bagay na hindi nila alam katulad ng pag-ma-market ng kanilang mga obra.”

“Bakit kami hopeful?” Ang sagot ni Gabriel, “May tiwala ang mga artists sa kanila, may nabuo ng samahan sa pagitan ng kanilang mga kliyente, nakapagbuo na sila ng grupo, komunidad, at naipakilala ng maayos sa kliyente ang mga artists.”

“Ang aming ina na si Silva Yap ay 21 taon na sa industriya,” paglalahad ni Gabriel.

Nagbahagi rin si Raul Isidro na “Tatlo lamang ang gallery noong araw: ang Philippine Art Gallery, ang Luz Gallery at ang Solidaridad.”

Ang Imahica Art Gallery naman ay natatag noong 2021 para sa mga kontemporaryong sining sa bansa. Ang mga naunang exhibit ay nakatutok sa abstract at nang kalaunan ay nagbigay puwang sa mga kilalang alagad ng sining na napakaraming koleksyon at mga artists na nagsisimulang pumailanlang sa mundo ng sining.

Tunay na tagapagtaguyod at taga-suporta ng mga artists ang pamilya Fulgar ng Imahica Art Gallery sa panahong hindi pa ligtas ang kalusugan ng mamamayan sa pangamba ng Covid19.

Sa ngayon patuloy na nanganganak ang galeriya sa bansa, gayundin ang mga museo sa mga Pamantasan.

Isa sa eskwelahan sa Marikina ang nagbigay ng puwang sa mga nagsisimulang artists ay ang Sentro Leona Galeria Museo ng Infant Jesus Academy, sa pamumuno ni Atty. Eric Mallonga.

Bilang founder, pinangatawanan ni Atty. Mallonga ang pagtuklas sa mga talento ng mga kabataang mag-aaral sa Infant Jesus Academy gayundin sa mga Fine Arts Students ng UP Diliman, sa tulong ni Virginia Garcia, na kilala bilang Tita Virgie ng Start 101 sa Centennial Building sa UP Diliman.

Kaya’t naging inspirasyon ng mga kabataan sa Infant Jesus Academy ang tinahak na landas ng mga magagaling na mag-aaral sa UP College of Fine Arts. Naging tatak din na hindi sapat ang talento lamang, may iba pang pagsasaalang-alang.

Ang Artablado ng Robinsons Galleria ay nagbigay rin ng puwang sa mga baguhang alagad ng sining bago pa man nagkapandemya. Hindi matatawaran ang suporta mula kay Frederick Go, Roseann Villegas at Lorie Grace Marquez.

Sa espasyong inilaan sa ikatlong palapag ng Robinsons Galleria, nagbigay ito ng panibagong buhay at pagkakataon para sa mga alagad ng sining. Sa kabila ng hamon sa panahon ng pandemya, ito ay lumikha ng mga panibagong kwento at karanasang puno ng pag-asa at tiwala sa kapwa, may masasandalan ang mga alagad ng sining sa mga galeriya at museo sa bansa.