MARAMI ang nawalan ng hanapbuhay dahil sa pandemya, ngunit sa panahon ngayon ay mukhang masigla na ulit ang iba’t-ibang sektor ng paggawa. Ano nga ba ang kasalukuyang sitwasyon dito sa Pilipinas?
Nitong Miyerkoles, ika-22 ng Marso, inilabas ng World Bank ang kanilang ulat na Philippines Jobs 2023. Ayon dito, napag-iiwanan sa larangan ng paggawa ang mga kabataang may edad 15 hanggang 24. Kinakailangan umanong lumikha ng mga trabaho para sa sektor na ito dahil ang ibang sektor ay nakakabawi na.
Mungkahi rin ng World Bank na lumikha ng mas maraming trabahong “digital” at “green”. Kabilang sa digital jobs ang mga hanapbuhay na gumagamit ng information and communication technology o ICT, online freelancing jobs, at e-commerce.
Ang green jobs naman ay mga trabahong may kinalaman sa pangangalaga sa kalikasan, pagpuksa sa polusyon at basura, pagtitipid ng enerhiya, tubig, at iba pang yaman, at mga katulad na trabaho.
Hinihikayat din ng World Bank na ipatupad ng mga mambabatas ang Philippines Green Jobs Act of 2016 upang ganahan ang mga kompanyang magbukas ng mga trabahong nabanggit para sila naman ay makatanggap ng mga insentibo.
o0o
Sigurado akong napansin na ng lahat ang sobrang init dito sa ating bansa nitong mga nagdaang araw. Ayon sa PAGASA, tapos na ang panahon ng amihan at nagsimula na ang tag-init. Tatagal umano ito hanggang sa buwan ng Mayo.
Pinag-iingat ang lahat sa panganib ng heatstroke at dehydration. Ugaliin ang pag-inom ng maraming tubig at iwasang lumabas habang tirik ang araw, hangga’t maaari. Kung hindi naman maiiwasan, magsuot ng manipis na kasuotan, gumamit ng payong o sumbrero, at magdala o magbaon ng tubig, pamaypay, at pampalit na damit. Ingat po tayong lahat sa matinding init.
Nais ko ring batiin ang mga kapatid nating Muslim sa pag-uumpisa ng Ramadan kahapon, Huwebes—Ramadan Mubarak!