HANDA BA ANG ATING BANSA PARA SA INTELLIGENT AGE?

ILANG araw lang ang nakalipas ay naglathala si Klaus Schwab, Founder at Executive Chairman ng World Economic Forum, ng maikling artikulo sa WE Forum platform na pinamagatang “The Intelligent Age: A Time for Cooperation.” Sinabi niya sa naturang artikulo na ang mundo ay pumapasok na  sa tinatawag na Intelligent Age, isang rebolusyong panlipunan na maaaring magsulong sa buong mundo o maging sanhi ng pagkakahati, kung hindi mapamamahalaan nang mabuti.

Ang Intelligent Age ay hindi lamang kaugnay ng mga pagbabagong teknolohikal o industriyal. Kabilang dito ang mabilis na pag-unlad ng artificial intelligence (AI), quantum computing, at blockchain—mga konseptong nagsisimula pa lamang maunawaan ng mga bansang papaunlad pa lamang ang ekonomiya, gaya natin. Sa Pilipinas, halimbawa, marami sa atin ang hindi pa sigurado kung dapat ba nating tanggapin o katakutan ang AI.

Binigyang-diin ni Schwab na kaila­ngan nating mabilis na makibagay o makisabay sa mga pagbabago sa mundo. Higit pa rito, mahalaga ang pandaigdigang kooperasyon upang magamit ang kapangyarihan ng mga teknolohiyang nabanggit para sa kaunlaran ng lipunan, sa halip na pagkakahati. Aniya, napakahalaga umanong paunlarin natin ang “environmental, social, at geopolitical intelligence” kaalinsabay ng technological intelligence.

Maaaring hindi mabuti ang epekto ng mga bagong teknolohiyang nabanggit sa milyon-milyong manggagawa sa buong mundo. Dahil dito kailangang maging handa ang lahat sa pamamagitan ng mga bagong patakaran, social safety nets, at mga sistemang pang-edukasyon na makakatulong sa bawat indibidwal na mapadali ang kanyang pakikisabay sa ma pagbabago. Mahalaga ang pagi­ging inklusibo, ayon kay Scwab. Dapat ay pantay-pantay ring maibahagi ang mga benepisyong dulot ng mga pagbabago upang maiwasan ang hindi pagkakapantay-pantay na maaaring magdulot ng iba’t-ibang uri ng gulo sa ating lipunan.

(Itutuloy…)