IBA’T ibang tulong mula sa pamahalaan ang naghihintay sa mga manggagawa simula ngayong Disyembre sa pagdiriwang ng ika-90 taong pagkakatatag ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Ito ay bahagi ng mga inihandang aktibidad ng DOLE sa buong bansa para sa pagdiriwang ngayong taon at pagpapatibay sa pangako nito na makapagbigay ng napapanahon at naaangkop na mga programa at serbisyo sa mga manggagawang higit na nangangailangan.
Kabilang sa mga aktibidad ang pagbibigay ng sahod sa mga benepisyaryo ng programang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) at Government Internship Program (GIP); tulong pangkabuhayan sa mga marginalized na manggagawa sa ilalim ng DOLE Integrated Livelihood Program; pagtatayo ng KADIWA ng Pangulo at mga livelihood fair; at pagsasagawa ng mga job fair sa buong bansa.
Para sa programa ng Kagawaran na pansamantalang trabaho — TUPAD, 73,048 benepisyaryo sa mga rehiyon ang nakatakdang tumanggap ng kanilang sahod na aabot sa mahigit P289 milyon.
Ang TUPAD ay isang tulong sa komunidad na nagbibigay ng pansamantalang trabaho mula 10 hanggang 90 araw sa mga mahihirap na manggagawa, depende sa uri ng trabahong gagampanan, at may sahod batay sa pinakamataas na umiiral na minimum na sahod sa rehiyon. May 3,425 GIP intern mula sa NCR, Central Luzon, Western Visayas, at Eastern Visayas ang tatanggap ng kanilang sahod na nagkakahalaga ng mahigit P14 milyon sa pagdiriwang ng anibersaryo.
Ang GIP ay nagbibigay ng tatlo hanggang anim na buwang internship para sa mga nagtapos ng high school, technical-vocational, o kolehiyo na gustong ituloy ang kanilang propesyon sa serbisyo publiko alinman sa lokal o pambansang pamahalaan, na may allowance na katumbas ng pinakamataas na umiiral na minimum na sahod sa rehiyon.
Sa ilalim ng DILP o Programang Kabuhayan ng DOLE, nakatakdang igawad ng kagawaran ang mahigit P177 milyong halaga ng tulong-pangkabuhayan sa 9,783 marginalized na manggagawa sa buong bansa.
Nagbibigay ng tulong ang DILP para sa pagsisimula, pagpapahusay, o pagpapanumbalik ng nawalang kabuhayan para sa mga mahihirap (mahina, marginalized, nawalan ng trabaho) na indibidwal o grupo ng mga manggagawa sa impormal na sektor.
Samantala, magtatayo rin ang DOLE ng KADIWA ng Pangulo at mga livelihood fair sa mga rehiyon para matulungan ang mga lokal na producer o seller mula sa komunidad ng mga magsasaka, kabilang ang micro, small, and medium enterprises (MSMEs), na direktang magbebenta ng kanilang mga produkto sa mga mamimili.
Ipinatutupad ng Office of the President ang KADIWA, kasama ang Department of Agriculture (DA), Department of Trade and Industry (DTI), Department of the Interior and Local Government (DILG), DOLE, at mga lokal na pamahalaan, upang tulungan ang komunidad ng mga magsasaka.
Kabilang sa mga natukoy na KADIWA sites ang NCR, CAR, Ilocos Region, Cagayan Valley Region, MIMAROPA, Bicol Region, Central Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Davao Region, SOCCSKSARGEN, at CARAGA.
Magsasagawa rin ng livelihood fair sa Cagayan Valley Region, NCR, MIMAROPA, CARAGA, at Western Visayas.
Upang patuloy na mapangasiwaan ang pagbibigay ng trabaho, magsasagawa ng sabay-sabay na job fair sa 24 iba’t ibang site sa buong bansa, na may paunang 38,968 bakanteng trabaho na iaalok ng 476 na kalahok na employer.
Inaasahang madaragdagan pa ang bilang ng mga benepisyaryo, bakanteng trabaho na iaalok, tulong-pinansiyal na ipamamahagi, at mga lugar kung saan gaganapin ang mga aktibidad, habang papalapit ang anibersaryo ng pagkakatatag ng Kagawaran sa ika-8 ng Disyembre.
LIZA SORIANO