NAGPASIYA ang PBA Commissioner’s Office, na may pahintulot ng PBA Board of Governors sa isang special meeting noong Miyerkoles, na pansamantalang ipagpaliban ang mga laro hanggang hindi bumababa ang kaso ng COVID-19.
Nais ng liga na makatulong na mapigilan ang pagkalat ng virus at makapag-ambag sa pagpapababa ng mga kaso. Ang pansamantalang tigil-laro ay magbibigay rin ng panahon para makapaghanda ang mga koponan sa pagpapatuloy ng Governors’ Cup.
Sinuspinde rin ng PBA ang lahat ng team scrimmages bagaman pinapayagan ang mga ito na mag-ensayo sa Alert Level 1 at 2 areas.
Bukod dito, binawasan din ng liga ang mga indibidwal na lalahok sa team individual workouts mula 10 sa 7. Dahil dito, 4 players na lamang ang papayagang mag-ensayo kasama ang isang coach, isang safety officer at isang staff.
“’Yung health and safety talaga ng lahat ang importante. Mahirap na, we can’t put the people under our care at risk, ganoon din ‘yung mga makakasalamuha nila. Mabuti na ‘yung nag-iingat,” wika ni Commissioner Willie Marcial. CLYDE MARIANO