(Hanggang Mayo 10) HALOS 96% NG SIM CARDS REHISTRADO NA

NASA 95% hanggang 96% ng SIM cards na inaasahang iparerehistro ang rehistrado na, ayon sa Department of Information and Communications Technology (DICT).

Sinabi ni DICT Secretary Ivan John Uy na hanggang May 10, 2023, halos 96 million na ang nakarehistrong SIM cards.

“I expect mga 100 million more or less, so mga 95% to 96% na tayo,” sabi ni Uy nang tanungin sa isang panayam sa radyo hinggil sa bilang ng registrants na hinihintay pa ng DICT na magpaparehistro.

Magugunitang sinabi ng National Telecommunications Commission (NTC) noong Abril na hindi naghahangad ang pamahalaan ng 100% registration ng 168 million SIM cards.

Sa ilalim ng SIM Card Registration Act, ang mga user ay may 180 araw, o hanggang April 26, 2023 para iparehistro ang kanilang SIMs o ma-deactivate ito.

Gayunman ay pinalawig ng pamahalaan ng 90 araw o hanggang July 25, 2023. ang SIM registration period para mabigyan ng sapat na panahon ang mga hindi pa nakapagpaparehistro na magparehistro.