(Hanggang noong Nobyembre)P13.644-T UTANG NG PH

Bureau of the Treasury

UMABOT sa P13.644 trilyon ang kabuuang utang ng gobyerno ng Pilipinas hanggang noong katapusan ng Nobyembre, ayon sa Bureau of the Treasury (BTr).

Mas mataas ito ng 0.02% o P3.15 billion kumpara sa P13.641 trilyon na naitala noong Oktubre.

Sinabi ng BTr na ang bahagya lamang na pagtaas ay epekto ng paglakas ng piso kontra US dollar sa foreign currency loans.

Ang piso ay lumakas kontra US dollar mula P58.047:$1 noong katapusan ng Oktubre sa P56.598:$1 noong end-November.

Kumpara noong Disyembre 2021, ang kabuuang utang ng bansa ay tumaaas ng P1.92 trilyon o 16.33 percent.

Kung hihimayin, ang kabuuang utang ng bansa ay binubuo ng P9.43 trilyong domestic debt at P4.216 trilyong foreign borrowings.

Ang local debt ay tumaas ng 0.78% mula P9.355 trillion noong katapusan ng Oktubre.

“For November, the net issuance of government securities added P75.76 billion while peso appreciation trimmed P3.03 billion from the debt stock,” ayon sa BTr.

Ang domestic borrowings ay binubuo ng 69.10% ng total debt portfolio.

Samantala, ang external debt ay bumaba ng 1.62% mula P4.3 trilyon noong end-October “dahil sa P106.98 billion impact ng local currency appreciation at P13.38 billion net repayment.”

“This was tempered by the net impact of third-currency fluctuations against the US dollar amounting to P50.78 billion,” sabi pa ng BTr.

Ang foreign borrowings ay binubuo ng 30.90% ng total debt stock.